Maliliit na tindahan sa Carbon Public Market, dinemolis

,

Sinugod sa Unit II ng Carbon Public Market at giniba ng mga tauhan ng lokal na gubyerno ang mga tindahan sa Carbon Public Market sa Cebu City noong Hulyo 15. Kaugnay ito ng isasagawang pribatisasyon sa naturang palengke na pinangangasiwaan ng Megawide Construction Corporation katuwang ang lokal na gubyerno.

Hindi bababa sa 80 pwesto ang dinemolis. Ayon sa mga manininda, walang ligal na batayan ang isinagawang demolisyon. Kinastigo rin nila ang anila’y walang-pusong pagwasak sa ilan nilang paninda.

Pinalilipat ng lokal na gubyerno ang mga manininda sa palengkeng hindi pa tapos ang konstruksyon. Reklamo nila, kulang na kulang ang pasilidad sa naturang palengke. Ayon kay Erwin Goc-ong, presidente ng Cebu Market Vendors Development Cooperative (Cemvedco), ni wala pang kuryente sa naturang palengke. Isa ito sa mga dahilan kung bakit matagal na nilang hinihinging huwag silang idemolis. Anila, ni walang pintuan ang palengkeng paglilipatan kaya bulnerable sa nakaw ang kanilang paninda.

Ang demolisyon ay alinsunod sa inilabas na atas noong Hulyo 13 ng administrador ng palengke na si Wendell Cenas na nagpapalayas sa ng mga tindera at nangungupahan ng pwesto. Nagbigay ito ng palugit na limang araw.

Bilang tugon dito, nagpadala ng sulat ang mga abugado ng apektadong manininda sa upisina ni Cenas para kontrahin ang atas at sabihing walang ligal na batayan ang kautusan. Balak nilang sampahan ng kaso si Cena kung itutuloy niya ang demolisyon.

Wala pa ring pinal na resolusyon ang korte sa naunang isinagawang mga pag-uusap at negosasyon sa lokal na gubyerno kaugnay ng pribatisasyon ng palengke. Pinamumunuan ng grupong Carbonhanong Alyansa alang sa Reporma ug Bahandianong Ogma sa mga Nanginabuhi (CARBON) ang paglaban sa pribatisasyon simula pa nakaraang taon.

Isa sa mga usaping inihapag ng CARBON ang napakamahal na singil sa pwesto sa bagong palengke. “Sa night market pa lang kung saan sa daanan nagtitinda, umaabot na sa ₱600 ang renta mula alas-4 hanggang alas-10 ng gabi,” ayon sa grupo.

“Mamamayang Sugboanon, tulungan niyo kaming iligtas ang Carbon at pigilan ang pagpribatisa dito,” panawagan ng grupo. Dagdag nila, dapat igiit na panatilihing pampublikong serbisyo ang palengke at hindi pribadong negosyo.

Sakaling tuluyang maisakatuparan ang pribatisasyon, 12,000 manininda, at trabahador ang mawawalan ng pwesto. Liban dito, tinatayang 700 kabahayan ang idedemolis sa katabing Sityo Bato, Barangay Ermita na sasaklawin ng konstruksyon ng bagong mga gusali.

Nauna nang nagsagawa ng demolisyon ang lokal na gubyerno noong Setyembre 2021 kung saan 20 tindahan ang giniba.

AB: Maliliit na tindahan sa Carbon Public Market, dinemolis
n/a