Mahigit 1 milyong pamilyang biktima ng Odette, wala pa ring kuryente

, ,

Umaabot pa sa 1,016,650 na sambahayan (o 26.78% ng kabuuang 3.7 sambahayan) ang nananatiling walang kuryente sa kanilang mga tahanan sa buong bansa matapos sagasaan ng bagyong Odette noon pang ikatlong linggo ng Disyembre 2021. Dumadaing din ang mga pamilya sa kawalan ng malinis na tubig na maiinom at sustenidong suporta at tulong mula sa gubyerno. Umaabot sa 181 distrito ng tubig ang lubhang naapektuhan ng paghagupit ng bagyo.

Pumalo na sa ₱28.6 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala na dulot ng bagyong Odette, ayon sa tala ng gubyerno noong Enero 10. Naitala ang ₱10.9 bilyon nawasak sa agrikultura habang ₱17.7 sa imprastruktura. Pinakamalaki ang pinsala sa rehiyon ng Caraga na nangawasak ang mga eskwelahan, gusali at pasilidad ng gubyerno, mga daanan at iba pa.

Pinakaapektado ang mga magsasaka at mangingisda na nawalan ng kabuhayan. Sa tala ng Oxfam, £40 milyon o ₱2.78 bilyong halaga ng mga bangka at gamit pandagat na gamit ng maliliit na mangingisda ang nawasak. Dagdag nito, apektado din ang 420,000 ektarya ng lupa ng mga magsasaka.

Nasira ang kabuuang 1.36 milyong mga bahay kung saan 368,441 ang lubusang nawasak. Dahil dito, mag-iisang buwan nang nakabimbin sa mga sentro ng ebakwasyon ang 341,454 indibidwal. Sa huling tala ng gubyerno, higit 400 ang bilang ng mga namatay sa bagyo at 66 ang nawawala pa sa kasalukuyan.

Ayon kay Jermaine Baltazar Bayas ng Oxfam, sa kanilang obserbasyon ay nagkakaroon ng matarik na pagtaas ng bilang ng matitinding bagyo sa nagdaang dekada. “Nasasaksihan natin ang tunay na manipestasyon ng climate change,” dagdag pa niya.

Ang bagyong Odette ang huling bagyo (sa 15 bagyo) na humagupit sa Pilipinas at naitalang pinakamalakas sa taong 2021.

AB: Mahigit 1 milyong pamilyang biktima ng Odette, wala pa ring kuryente
n/a