Mahal na gasolina at kawalang suporta ng estado, nagpabagsak sa huli ng mga mangingisda

, , ,

Tinukoy na dahilan ng mga mangingisda at grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang napakataas na presyo ng petrolyo at kawalang suporta ng gubyerno sa kanilang sektor bilang salarin sa pagbaba ng bolyum ng huli ng mga mangingisda sa nagdaang unang kwarto ng 2022.

Nabawasan ng 2,000 tonelada (0.2%) ang kabuuang produksyon ng mga mangingisda kumpara sa parehong panahon sa nagdaang taon. Sa inilabas na Fisheries Situation Report para sa mga buwan ng Enero hanggang Marso, umaabot lamang sa 971,500 metriko tonelada (MT) ang kabuuang huli kumpara sa 973,620 MT noong 2021.

“Si Duterte ang dahilan ng kamakailangang mababang produktibidad sa sektor ng pangisda dahil sa kabiguan niyang tugunan ang isyu ng labis-labis na pagpepresyo ng mga produktong petrolyo,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya. Anang grupo, ang ginawa lang ng gubyerno ay pagbibigay ng limos na mga subsidyo.

Binigyang-diin ng Pamalakaya na ang ilang mangingisda ay huminto na sa pangingisda dahil 80% ng kanilang puhunan ay napupunta na lamang sa pagbili ng gasolina. Sa konserbatibong tala ng Philippine Statistics Authority, naiulat ang 114,000 na pagbaba ng empleyo sa subsektor ng pangingisda at aquaculture mula Marso 2021 hanggang Marso 2022.

Ayon kay Hicap, bigo ang gubyerno na imbestigahan ang “manipulasyon at labis-labis na pagpepresyo ng mga kumpanya sa petrolyo” na nagpahirap sa mga mangingisda at nakaapekto sa produksyon, suplay at presyo ng isda, at seguridad sa pagkain.

Noong Marso, sumirit tungong ₱924 mula sa dating ₱780 ang gastusin tuwing pumapalaot na gumagamit ng 12 litro ng krudo. Karaniwang tumatagal ito nang 6-8 oras. Kaugnay nito, naglunsad noong Marso ang Pamalakaya ng tigil-palaot sa Laguna de Bay at Manila Bay para ipanawagan sa gubyerno ang sapat na suporta sa sektor.

Sa halip na tulungan at suportahan ang lokal na pangisda, ang naging desisyon ng Department of Agriculture ay ang panibagong pag-iimport ng 60,000 metriko toneladang isda para sa unang kwarto ng taon. Pinalawig ang saklaw na panahon ng importasyon hanggang ikalawang kuwarto.

Hindi ibinaba ng importasyon ang presyo ng mga isda sa merkado. Sa halip, naitala ang 4.3% na pagtaas sa presyo ng isda noong Marso mula sa 2.9% noong Pebrero ngayong taon.

AB: Mahal na gasolina at kawalang suporta ng estado, nagpabagsak sa huli ng mga mangingisda
n/a