Mag-asawang kasapi ng Anakpawis, pinaslang sa Sorsogon

,

Binaril at napaslang ang mag-asawang sina Silvestre Fortades Jr. at Rose Marie Galias, parehong kasapi ng Anakpawis Partylist, progresibong partido ng mga magsasaka at maralita, sa Barangay San Vicente, Barcelona, Sorsogon noong Enero 15. Ang mag-asawa ay kasapi rin ng Samahan ng mga Magsasaka sa Sorsogon.

Sila ay nagtitinda ng kanilang gulay at mga produkto nang pinaputukan ng dalawang armadong lalaki na nakasakay sa motor. Sila ang ika-346 at 347 magsasakang pinaslang sa panahon ni Duterte ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Kabilang ang mag-asawa sa pinakahuling mga biktima ng karahasan at panggigipit na naranasan ng mamamayan ng bayan ng Barcelona. Isang buwan bago nito, Disyembre 9, 2021, inaresto sa Barangay Sta. Lourdes si Vicente Laguidao, isang karpentero, matapos paratangang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Ikinulong siya sa gawa-gawang mga kasong isinampa ng mga sundalo.

Gayundin, tinangkang paslangin ng mga sundalo ang magsasakang si Kenneth Escullar noong Nobyembre 24, 2021 sa kanyang tahanan sa Barangay Sta. Lourdes. Natutulog siya sa balkonahe ng kanyang bahay nang lapitan siya ng mga nag-ooperasyong sundalo. Pinutukan siya ng mga sundalo pero nakaligtas nang magising at tumakbo sa takot. Bago nito, binugbog at ninakawan naman ng mga alagang manok si Joey Escurrel isang magsasaka, may kapansanan sa pag-iisip at residente ng Bgry. Olandia.

Ayon kay Marco Valbuena, Chief Information Officer ng Partido Komunista ng Pilipinas sa isang pahayag noong Enero 16, ang ganitong walang pakundangang mga atake laban sa mga komunidad at organisasyon para patahimikin ang mamamayan ay lalo lamang nag-uudyok ng ibayong galit sa mga pasista, mapang-api at mapagsamantala.

AB: Mag-asawang kasapi ng Anakpawis, pinaslang sa Sorsogon
n/a