Limos na taas-sahod, ipagkakaloob sa manggagawa ng Metro Manila at Western Visayas

Inianunsyo ngayong araw, Mayo 14, ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pahabol na limos na taas-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila at Western Visayas. Ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon sa loob ng anim na itinaas ang sahod ng mga manggagawa sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Ayon sa DOLE, inilabas kahapon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng Metro Manila ang isang atas na magtataas sa arawang sahod tungong ₱570 para sa mga di agrikultural na manggagawa habang ₱533 sa mga manggagawang agrikultural. Katumbas ito ng katiting na ₱33 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa.

Samantala, inaprubahan ang hinihingi ng mga manggagawa na itaas ang sahod sa Western Visayas. Dinagdagan ito ng ₱55 hanggang ₱110, depende sa dami ng ineempleyong manggagawa. Nasa ₱420 hanggang ₱450 ang sahod na matatanggap sa rehiyon kung maipatutupad na ang taas-sahod.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), pambansang sentrong unyon ng mga manggagawa “…maliit at di pa rin sasapat sa harap ng napakataas na presyo ng mga batayang bilihin ang wage increase sa mga rehiyon ng Metro Manila at Western Visayas.”

Gayunpaman, kinikilala ng grupo na isa itong tagumpay para sa mga manggagawa at kanilang unyon na nagpetisyon para itaas ang sahod. “Bunga ito ng tuluy-tuloy na pakikipagdayalog, at pagpoprotesta ng mga manggagawa,” dagdag ng KMU.

Sa isang ulat ng Ibon Foundation noong Pebrero, lalupang lumayo sa minimum na sahod ang nakabubuhay na sahod. Sa kwenta ng grupo, kailangan ng isang pamilyang may lima katao ng ₱1,072 kada araw o ₱25,252 kada buwan para mabuhay ng disente sa Metro Manila. Ito ay sa kalagayang inilagay ng estado sa “mababang” 3% ang tantos ng implasyon noong Pebrero. Hindi nito saklaw ang pagsirit ng mga presyo sa mga sumunod na buwan.

Kahapon lamang, Mayo 13, inianunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtataas ng presyo o suggested retail prices (SRP) ng ilang batayang pangangailangan sa bansa. Kabilang dito ang aabot sa 82 pagkain na kinabibilangan ng tinapay, delatang isda, tubig sa bote, pinrosesong gatas, noodles, kape, asin, sabon panlaba, detergent, harina, prinoseso at delatang baboy at baka, suka, patis, toyo, sabon at baterya.

Patutsada naman ng KMU na sa tagal nang halos tatlong taon bago muling itinaas ang sahod, tanging sa dalawang rehiyon lang ito ipagkakaloob. Hamon ng grupo na dapat nang maglabas ang lahat ng Regional Wage Board ng wage orders para madagdagan ang minimum wage ng mga manggagawa sa buong bansa.

Iginigiit nila at ng mga manggagawa na dapat gawing prayoridad ang pagpapasa ng ₱750 pambansang minimum na sahod sa buong bansa at dapat itong igiit sa pagbubukas ng ika-19 na Kongreso. Nananatili pang nakabimbin sa kongreso ang panukalang batas para sa ₱750 pambansang minimum na sahod, na isinumite at ipinaglaban ng Makabayan bloc.

AB: Limos na taas-sahod, ipagkakaloob sa manggagawa ng Metro Manila at Western Visayas
n/a