Kontra-atake laban sa 34th IB, inilunsad ng BHB sa Lanao del Sur

,

Sinalakay ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Lanao ang nag-ooperasyong mga sundalo ng 34th IB noong Mayo 25 sa magubat na bahagi ng bayan ng Maguing, Lanao del Sur. Hindi bababa sa dalawa ang napatay at tatlo ang nasagutang sundalo sa 10-minutong armadong aksyon.

Ang pagsalakay ay kontra-atake ng BHB laban sa focused military operation o FMO ng 34th IB sa nasabing bayan. Nauna nang naengkwentro ng BHB-Lanao ang mga sundalo noong Mayo 20 sa parehong bayan kung saan nagawang makapagmaniobra ng mga Pulang mandirigma nang walang kaswalti sa kanilang hanay.

Naganap ang unang engkwentro bandang alas-10 ng umaga at ang pangalawang engkwentro bandang ala-1 ng hapon.

Sa isang pahayag noong Mayo 30, binati ni Ka Alik Luna, tagapagsalita ng BHB-Lanao, ang mga Pulang kumander at mandirigma ng yunit sa matagumpay na armadong aksyon at kontra-atake.

Kinundena niya ang arbitraryo at walang pakundangang pambobomba ng AFP sa mabundok na bahagi ng Maguing noong Mayo 21 at 28. Dalawampu’t isang (21) bala ng kanyon ang pinasabog simula alas-2 ng hapon noong Mayo 21 habang 7 bala ang pinakawalan ng AFP noong Mayo 28.

Ayon kay Ka Alik, ligtas ang buong pwersa ng BHB dahil malayo na ito sa target ng panganganyon ng AFP.

Saklaw ng operasyong kombat ng AFP ang kagubatan sa Maguing kung saan naghahanapbuhay ang mga residente malapit sa Darul Jirah Camp, 103rd Base Command ng Moro Islamic Liberation Front.

Ayon sa ulat ng BHB, pana-panahong natitigil ang pangangahoy ng mga residente sa panahong naglulunsad ng operasyong kombat ang mga sundalo. Dagdag pa dito, malisyosong iniuugnay ng mga sundalo ang kanilang hanapbuhay sa ISIS o BHB. Dagdag pahirap din sa mga residente ang pagsamsam ng mga sundalo sa nakukuhang kahoy ng mga residente.

Sa huli, nanawagan si Ka Alik Luna sa mamamayang Moro na patuloy na tumindig at lumaban para sa kanilang kagalingan. “Mas lumilinaw ang pangangailangan sa armadong pakikibaka,” saad pa niya.

AB: Kontra-atake laban sa 34th IB, inilunsad ng BHB sa Lanao del Sur
n/a