Koalisyong Makabayan, nag-endorso ng 10 kandidato pagkasenador

Sampung kandidato sa pagkasenador ang idinagdag ng patriyotikong koalisyong Makabayan sa listahan ng iboboto ng mga myembro nito sa darating na eleksyon sa Mayo 9. Inianunsyo ng koalisyon ang kanilang mga kandidato sa isang press conference kahapon, Abril 26. Ang sampu ay dagdag sa dalawang upisyal na kandidato na sina dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno na si Ka Elmer Labog.

Pinangalanan ng Makabayan ang mga susuportahan nito na sina Leila De Lima, Risa Hontiveros, Chel Diokno, Teddy Baguilat, Alex Lacson at Sonny Matula na pawang nasa senate slate ng tambalang Leni-Kiko at sina Jejomar Binay, Loren Legarda, Chiz Escudero at Luke Espiritu.

Ayon sa Makabayan, ang deklarasyon ng suporta sa naturang mga kanidato ay naghuhudyat ng lalong “paglawak ng oposisyon at ng pagkakaisa para sa makabayang pagbabago.” Dagdag pa nito na mahalaga ang pagkakaisang ito para maipanalo ang interes ng mamamayan at umangat ang buhay ng nakararami, matigil ang paglabag sa karapatang-tao at muling maitulak ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.

Kabilang sa mga isyung pinagkaisahan ng Makabayan at inendorsong mga kandidato ang mga sumusunod:

– pagtatanggol sa kalikasan at pagtutol sa mapanirang pagmimina
– karapatan ng LGBT+ at mga kaabaihan
– pagtutol sa Anti-Terror Law at pagbabasura sa UP-DND Accord
– isyu ng mga manggagawa
– pambansang soberanya
– paninindigan laban sa dinastiyang pulitikal
– pagtataguyod sa usapang pangkapayapaan para sa mga repormang panlipunan para makamit ang kapayapaan

“Inihahayag namin ang suporta sa kanila dahil sa track record ng pakikipagtulungan sa Makabayan sa mga piling mahahalagang isyu at laban ng mamamayan,” saad sa deklarasyon ng Makabayan.

“Magiging kaalyado sila ng mga kandidatong senador ng Makabayan na sina Colmenares at Labog, at mga progresibong party list sa pakikipaglaban para sa karapatan at kabuhayan ng mamamayan at para sa demokrasya at kasarinlan,” dagdag ng Makabayan.

Matapos ang deklarasyon ng suporta, kinilala at nagpasalamat na ang ilang kanidato sa koalisyon.

Binubuo ang koalisyon ng mga party list na Anakpawis, ACT Teachers, Bayan Muna, Gabriela at Kabataan. Sa taya ng grupo, mayroon itong nakakalap na hindi bababa sa 3 milyong boto.

AB: Koalisyong Makabayan, nag-endorso ng 10 kandidato pagkasenador
n/a