Kasalang Lumad sa Surigao, walang habas na pinaputukan ng 75th IB

,

Isa ang patay sa walang habas na pamamaril ng mga elemento ng 75th IB sa isang
kasalan sa Sityo Katabadan, Barangay San Roque, San Miguel, Surigao del Sur noong
Disyembre 24, 2021.

Pinasinungalingan ng BHB-Surigao del Sur ang pahayag ng 75th IB noong Disyembre
24, 2021 na nagkaroon umano ng engkwentro sa pagitan ng kanilang yunit at ng
mga Pulang mandirigma sa Sityo Katabadan, Barangay San Roque, San Miguel,
Surigao del Sur.

Sa pahayag ng BHB-Surigao del Sur, sinabi nitong isang malaking kasinungalingan
ang ibinalita ng naturang yunit militar na nagkaroon ng labanan sa lugar at na
isang Pulang mandirigma ang napatay. Ang totoo, walang patumanggang inistraping
ng mga naghuhuramentadong tropa ng 75th IB ang pagtitipon ng 34 sibilyang Lumad
sa kanila mismong tahanan sa gitna ng kumbeti o tradisyunal na kasal ng Lumad.

Kinilala ang sibilyang nasawi na si Vilma Tawede, residente ng Sityo Tambonon, sa parehong barangay at kasapi ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (MAPASU). Dalawa pang sibilyan ang nasugatan.

Bago ang pamamaril, hinarang ng mga tropa ng AFP si Orland Fernandez, at inakusahang nagdadala ng suplay sa NPA dahil mga pagkain ang kanyang dala-dala. Katwiran ni Fernandez, para ito sa kasal. Bago siya pakawalan ay binugbog at pinilit siyang ituro kung saan ang benyu ng kasalan.

Mariing kinundena ni Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng BHB-Surigao del Sur ang pamamaril ng AFP. Aniya, walang respeto ang rehimen at alipures nito sa mamamayang Lumad at sa mga tradisyong Lumad.

Dagdag pa ni Sidlakan, malinaw pa sa alaala ng mamamayang Lumad ang pagmasaker
ng tropa ng militar sa dalawang lider-lumad at direktor ng Alcadev noong
Setyembre 2015 at sa mga kabataang mag-aabaka sa Lianga.

AB: Kasalang Lumad sa Surigao, walang habas na pinaputukan ng 75th IB
n/a