Ismagling ng mga produktong agrikultural, iniimbestigahan sa Senado

, ,

Umaabot sa ₱1 bilyong halaga ng mga produktong agrikultural ang iligal na ipinuslit sa bansa mula Mayo hanggang Nobyembre ngayong taon. Ito ang taya ng pananaliksik ng upisina ni Sen. Francis Pangilinan. Ngayong araw, Disyembre 14, sinimulan na sa Senado ang imbestigayon kaugnay nito.

Nakapagtala ang pananaliksik ng upisina ng senador ng 25 operasyon ng ismagling ng karne, mamahaling gulay, bawang, sibuyas, asukal, salmon at tuna, karots, luya at iba pang gulay at prutas. Ipinuslit ang mga ito sa pamamagitan ng pagdedeklara dito bilang mga sangkap para sa paggawa ng tinapay, glucose syrup o mantuo buns (tinapay ng siopao). Ang iba ay ipinuslit sa pamamagitan ng maling pagdedeklara ng tamang bigat o dami.

Bukod dito, ipinaabot ng mga magsasaka ng strawberry sa Senado na naglipana sa bansa ang imported na strawberry mula sa South Korea nitong nagdaang mga buwan. Gusto nilang malaman kung dumaan ito sa tamang proseso o kung dumaan man, paano nakakuha ng permit ang nag-import dito gayong matagal na itong tinututulan ng mga magsasaka. Naghapag ng reklamo ang La Trinidad Vegetable Trading Areas, pederasyon ng 11 manggugulay sa Benguet, kaugnay dito. Anila, panibagong pasakit ito lalupa’t hindi pa sila nakakabawi mula sa pagbagsak ng presyo ng mga karot na idinulot ng pagbaha ng milyong-halagang inismagel na karots mula Setyembre ngayong taon.

Mula Oktubre, ilang beses nang binatikos ng mga grupo ng magsasaka ang Department of Agriculture sa kainutilan nitong pigilan ang malawakang ismagling ng mga produktong agrikultural sa bansa. Hinamon nila ang DA na isapubliko ang listahan ng mga pinayagan nitong mag-import ng kung anong produkto sa bansa ngayong taon para malaman kung gaano na kalala ang ismagling sa Pilipinas.

Binatikos rin ng grupo ang patakaran ng liberalisasyon sa sektor ng agrikultura na nagdulot ng lalupang pagbarat ng mga komersyante sa kanilang produkto. Halimbawa nito ang pagbagsak ng kita ng mga manggagawa sa palay, mga magbababoy at mangingisda sa harap ng walang sagkang importasyon ng bigas, isda at karne.

Anito, ang walang sagkang importasyon ang nagbubukas sa pinto para rin sa dagdag na ismagling ng mga produkto.

AB: Ismagling ng mga produktong agrikultural, iniimbestigahan sa Senado
n/a