Isinampang libel laban sa mga nag-ulat kaugnay sa Malampaya, atake sa kalayaan sa pamamahayag

,

Sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines ngayong araw, nanindigan ito sa mga kasamahan nito sa midya na kasalukuyang nahaharap sa mga kaso ng libel at cyberlibel na isinampa ng kalihim sa enerhiya na si Alfonso Cusi at negosyanteng si Dennis Uy. Ayon sa grupo, malinaw na ang mga kasong ito ay isinampa para takutin at patahimikin ang midya.

Babala ito sa mga mamahayag na “mag-ingat sa susunod na iuulat,” ayon sa grupo.

Nakikita ng maraming netizen na “atake sa kalayaan sa pamamahayag”ang mga kasong isinampa laban sa 17 mamamahayag noong Nobyembre 29.

“Ito ang dahilan kung bakit hindi dapat ituring na kriminal ang libel,” ayon ng isang netizen. “Ginagamit lamang itong lunsaran ng mga trapo para patahimikin ang mga kritiko at progresibo.”  Liban sa pagiging kalihim ng enerhiya, umaaktong presidente ng isang paksyon ng PDP-Laban si Cusi.

Sinampahan nina Cusi at Uy ang 17 mamamahayag at editor sa pitong pahayagan na nagsulat kaugnay sa maanomalyang pagbili ng Udenna Corporation sa Malampaya Natural Gas Project. Nagsampa ng kaso si Cusi, kalihim ng Department of Energy, sa Taguig City. Si Uy, may-ari ng Udenna, ay nagsampa sa Davao City.

Ayon sa reklamo ni Cusi, ang kasong libel ay para umano “protektahan ang integridad ng mga alagad ng publiko.” Aniya, ipinagtanggol niya ang kanyang dangal ng kanyang pamilya at ipinaabot ang malakas na mensahe na “may patas at makataong paraan ng pag-areglo sa mga di pagkakaintindihan at pagkakaiba nang hindi humahantong sa malisyosong pagpapahayag ng balita.”

“Mukhang guilty,” ang tugon ng isang netizen kaugnay sa pagdadahilang ito.

Paglilinaw ng NUJP kay Cusi, hindi trabaho ng mga mamamahayag ang “aregluhin ang mga pagkakaintindihan at pagkakaiba.” Trabaho nila ang mag-ulat ng mga usaping tulad nito, mga “pagkakaiba sa pagitan ng opinyon ng ehekutiba at lehislatura.” Trabaho din niya na panatilihing malinis ang kanyang reputasyon, hindi ng mamamahayag, dagdag pa ng grupo.

Pinangalanan sa kaso ang ABS-CBN, BusinessWorld, Rappler, Philstar.com, The Philippine STAR, Manila Bulletin, GMA News Online and BusinessMirror. (Hindi kasama ang Philippine Daily Inquirer at inquirer.com na naglathala ng katulad na mga kwento.)
Tinutukoy sa kasong libel ang pag-ulat ng mga mamamahayag sa inireklamong mga iregularidad sa pagbili ng Udenna Corporation ni Uy sa Malampaya Natural Gas Project. Laman ang mga iregularidad na ito sa kasong isinampa ng tatlong pribadong indibidwal kay Cusi, Uy at iba pa sa upisina ng Ombudsman.

Ayon sa mga reklamong ito, pinaboran ng DoE si Uy at sadya itong “nagpabaya” sa mga responsibilidad bilang pampublikong upisyal para mapunta kay Uy ang proyekto. Tinukoy nila ang kawalan ng sapat na kapital at karanasan ng Udenna sa pagpapatakbo ng proyekto. Ayon sa mga nagreklamo, nalugi umano ang gubyerno ng P21 bilyon hanggang P42 bilyon. ago ang pagkakaso, tinawag na itong “midnight deal” ni Sen. Sherwin Gatchalian sa imbestigahan nito Senado.

Matagal nang ipinananawagan ng NUJP at iba pang tagapagtanggol ng kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag ng pagdekriminalisa ng libel sa bansa. Anito, sinabi kahit ng UN Human Rights Council na ang mga batas na nagkikriminalisa sa libel sa Pilipinas ay “sobra-sobra (excessive) at di naaayon (incompatible)” sa mga internasyunal na pamantayan ng mga karapatang sibil at pampulitika.

___
[UPDATED: 13:30PM, December 4, 2021]

AB: Isinampang libel laban sa mga nag-ulat kaugnay sa Malampaya, atake sa kalayaan sa pamamahayag
n/a