Isakdal ang kriminal, ikulong si Rittenhouse

,

Nagrali ang 1,500 indibidwal sa Chicago, US noong Sabado para batikusin ang pagpapawalang-sala ng korte kay Kyle Rittenhouse. Si Rittenhouse, 18, ay responsable sa pamamaril, gamit ang isang ripleng AR-15, sa mga raliyista ng kilusang Black Lives Matter sa Kenosha, Wisconsin noong Agosto 25, 2020. Dalawa ang kanyang pinatay at isa ang nasugatan. Ibinasura ng korte noong Biyernes ang mga kasong nakasampa laban sa kanya kabilang na ang kasong “intentional homicide” at pinalabas na akto umano ng “pagdepensa sa sarili” ang kanyang ginawa.

Pinangunahan ang pagkilos ng grupong Chicago Alliance Against Racist and Political Repression. Umalingawngaw sa lansangan ang panawagang “Isakdal ang kriminal, ikulong si Rittenhouse!” Nanawagan ang mga raliyista sa US Department of Justice na sampahan ng kasong pederal si Rittenhouse. Iginiit nila na “isang krimeng pederal, isang hate crime” ang ginawa ni Rittenhouse. Ang hate crime ay tumutukoy sa krimen na nakabatay sa pagkamuhi sa partikular na kulay, lahi, relihiyon, pambansa o etnikong pinagmulan, edad, at kasarian.

Binatikos ng mga raliyista si Judge Bruce Schroeder, ang huwes na humawak sa kaso, na anila’y isang “rasista” at “white supremacist.” Sa pagdinig sa kaso, kapuna-puna ang pagbawal ni Schroeder sa mga prosekyutor na gamitin ang terminong “biktima” para tukuyin ang mga biktimang sina Joseph Rosenbaum, Anthony Huber at Gaige Grosskreutzas, ngunit pinahintulutan ang paggamit ng mga terminong “rioter, looter at arsonist” (manggugulo, magnanakaw at arsonista).

Kabilang ang mga biktima sa mga raliyistang nananawagan ng hustisya para kay Jacob Blake na binaril ng pitong beses ng mga pulis ng Kenosha noon ding Agosto 2020. Ayon sa mga testigo, nakita nilang nakikipagusap ang mga pulis at sundalo kay Rittenhouse at iba pang mga vigilante noong gabing naganap ang pamamaril. Anila, itinulak ng mga pulis at sundalo ang mga raliyista tungo sa pusisyon kung saan naghihintay sina Rittenhouse at iba pang armadong vigilante para mag-udyok ng “nakamamatay na kumprontasyon.”

Binatikos ng mga raliyista si US Pres. Joe Biden na nagsabing kinakailangang “irespeto” ng mamamayan ang sistema sa hustisya at ange hatol sa kaso ni Rittenhouse. Anila, manipestasyon ang hatol sa kaso ni Rittenhouse ng rasismo sa sistema sa hustisya sa US at rasistang pagkiling nito sa mga Puti. Ayon sa mga raliyista, lalupang palalakasin ng hatol na ito ang loob ng mga vigilanteng white supremacists na magsagawa ng katulad na mga krimen sa ngalan ng “pagpapanatili sa kaayusan,” at yuyurak sa karapatan ng mamamayan sa mapayapang protesta.

Bago ang kaso ni Rittenhouse, may mga kaso na ng mga puti na pumatay, nanagasa o nanakot sa mga raliyista ang pinawalngsala ng korte. Kabilang dito ang kaso ng isang lalaking sumasaga sa mga nagrarali sa Charlottesville, Virgina at ng mag-asawang nanutok ng baril sa mga nagpuprotesta sa St. Louis, Missouri.

Sa kaugnay na balita, nahatulan na noong Miyerkules ang tatlong salarin na pumaslang sa Black American na si Ahmaud Arbery noong Pebrero 23, 2020. Kinilala ang mga salarin bilang ang mag-amang Gregory at Travis McMichael, at kanilang kapitbahay na si William Bryan. Hinabol ng tatlo ang biktima na kara-karang inakusahan na “magnanakaw” matapos mamataan siyang nagdya-jogging malapit sa bahay ng mga McMichael.

Hindi kinasuhan at hindi inaresto ng mga pulis ang mga salarin. Itinuring ang pagpatay kay Arbery na akto ng pagdepensa sa sarili. Subalit taliwas rito, makikita sa bidyo na kuha mismo ni Bryan ang malapitang pagbaril ng mag-ama sa biktima gamit ang isang shotgun. Kumalat ang bidyo sa internet at umani ng malawakang pagbatikos. Dahil dito, natulak ang pulis na magsagawa ng imbestigasyon at arestuhin ang tatlo noong Mayo 2020. Nahatulan ang tatlo ng minimum na sentensyang habambuhay na pagkakabilanggo.

Noong Setyembre, una nang isinakdal ng korte si Brunswick Judicial Circuit District Attorney Jackie Johnson kaugnay sa kaso ni Arbery. Ang district attorney ay responsable sa pag-iimbestiga ng mga krimen at pagsasampa ng mga kaso. Hinatulan si Johnson ng “paglabag sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang upisyal na tagapagpatupad ng batas.” Ayon sa hatol, “pinaboran at pinakitaan ng pagkagiliw” ni Johnson si Gregory McMichael sa imbestigasyon, at nanghimasok sa operasyon ng mga pulis sa pamamagitan ng “pag-utos na huwag arestuhin si Travis McMichael.” Napag-alaman na dating nagtrabaho si Gregory McMichael bilang imbestigador sa upisina ni Johnson, at na nag-iwan siya ng mensahe sa abugado matapos niyang patayin ang biktima.

AB: Isakdal ang kriminal, ikulong si Rittenhouse
n/a