#AtinangPinas Ika-6 taong anibersaryo ng ruling kaugnay sa West Philippine Sea, ginunita sa protesta

Naglunsad ng koordinadong protesta ang mga mangingisdang kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) bilang paggunita sa ikaanim na taon ng pagkatig ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Pilipinas laban sa China sa usapin ng pagmamay-ari sa West Philippine Sea.

Inilabas ng PCA ang desisyong ito noong Hulyo 12, 2016 na nagsabing walang batayan ang pag-angkin ng China sa bahagi ng West Philippine Sea at nilalabag nito ang soberanya ng Pilipinas at karapatan nitong mangisda at saliksikin ang rekursong nasasaklaw ng 370-km exclusive economic zone nito.

Kabilang sa mga nagprotesta ang 30 mangingisda na naglunsad ng isang parada sa Laguna de Bay upang itulak ang gubyerno na igiit ang desisyon ng PCA sa China at itaguyod ang soberanya ng bansa.

“Anim na taon matapos ang makasaysayang tagumpay ng bansa, hindi pa rin tumitigil ang China sa paglabag sa soberanya at karapatang pangisda ng bansa sa sarili nating mga tradisyunal na pangisdaan,” saad ni Ronnel Arambulo, pambansang tagapagsalita ng Pamalakaya.

Ayon sa grupo, hindi bababa sa 600,000 mangingisda at manggagawa sa pangisdaan ang direktang apektado ng agresyon ng China sa West Philippine Sea. Noong 2021, naglabas ng konserbatibong taya ang University of the Philippines’ Marine Science Institute (UP MSI) na umaabot sa P33.1 bilyon ang tinatayang nalulugi sa Pilipinas kada taon dahil sa poaching at reklamasyon at pagtatayo ng mga gusali ng China sa WPS. Liban dito, nasa P644 bilyong halaga ng isda o 1.4 milyong tonelada ng isda ang ninakaw ng China sa karagatan ng Pilipinas simula pa 2014.

Naging bantog din sa panghihimasok at agresyon ng China ang insidente sa Reed Bank kung saan inararo, pinalubog at pinabayaan ng isang sasakyang pandagat ng China ang sasakyang pandagat na Pilipino na FB Gem-Ver noong 2019.

Ayon sa Pamalakaya, malinaw na isinaad sa desisyon ng PCA na “maysala” ang China sa pandarambong ng marine environment ng Pilipinas dahil sa reklamasyon at mga iligal na aktibidad nito sa exclusive economic zone at paglabag sa karapatan ng mga mangingisdang Pilipino.

“Nasa interes ng mamamayang Pilipino at maliliit na mangingisda na tuluyang mabawi ang kontrol ng bansa sa teritoryong pandagat at rekursong pandagat na ninanakaw ng China sa atin,” saad ng Pamalakaya.

Dapat umanong igiit ng gubyerno sa China na bayaran nito ang nasirang mga bahura ng bansa at pagbayarin sila ng upa sa iligal na okupasyon sa teritoryong pandagat ng Pilipinas.

Tulad ni Rodrigo Duterte, “mapagkaibigan” si Ferdinand Marcos Jr sa China. Sa gayon, ipagpapatuloy lamang niya ang palasuko at palayukong pakikipag-ugnayan ng gubyerno sa China sa kapinsalaan ng mga mangingisda at mamamayang Pilipino.

AB: Ika-6 taong anibersaryo ng ruling kaugnay sa West Philippine Sea, ginunita sa protesta
n/a