Huwes na naglabas ng mga warrant sa Bloody Sunday at Tumandok masaker, inangat sa Court of Appeals

,

Itinalaga ni Rodrigo Duterte noong Lunes, Marso 7, ang dating huwes ng Manila Regional Trial Court na naglabas ng tatlong search warrant na ginamit ng mga elemento ng pulis at militar sa madugong pagpatay sa mga aktibista sa Southern Tagalog noong Marso 7, 2021. Itinaon pa sa anibersaryo ng maramihang pagpatay na inaalala bilang Bloody Sunday ang pag-anunsyo ng promosyon kay Judge Jose Lorenzo dela Rosa bilang bagong huwes ng Court of Appeals.

Si de la Rosa rin ang pumirma sa search warrant na ginamit ng PNP Region 6 at 12th IB sa pagpatay sa siyam na katutubong Tumandok sa Capiz at Iloilo at pag-aresto sa walo pa. Ang korte ni dela Rosa ay isa sa tinaguriang “pabrika” ng mandamyento ng NTF-Elcac. Ang mga mandamyentong ito ay inilalabas para bigyan ng ligal na tabing ang pang-aatake at pamamaslang ng AFP at PNP.

Ayon kay Roneo Clamor, deputy secretary general ng grupong Karapatan, ang pag-angat kay dela Rosa ay tanda ng impunity o kawalang takot na mapanagot ng mga upisyal ni Duterte sa mga paglabag sa karapatang-tao. Aniya, ang “pabuya” na ito ay mistulang pagbubudbod ng asin ang mga sugat ng mga biktima at kanilang pamilya.

Sa araw ding iyun, nagmartsa ang kasapi ng mga organisasyon mula sa Southern Tagalog tungo sa upisina ng Department of Justice, sa Maynila at nagdaos ng programa sa Commission on Human Rights sa Quezon City upang ipanawagan ang hustisya para sa mga aktibistang walang-habas na pinaslang ng mga pwersa ng PNP at AFP. Kabilang dito sina Manny Asuncion, lider-unyonista; mag-asawang sina Chai Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista na mga aktibistang pangkalikasan sa Batangas, mga lider-maralita na sina Melvin Dasigao, Mark Bacasno, Abner at Edward Esto; at mga magsasakang Dumagat na sina Randy at Puroy Dela Cruz.

Ayon sa mga grupo at kanilang kaanak, kulang at mabagal ang usad ng hustisya para sa mga biktima ng madugong masaker. Hindi rin ito naging sagka sa pwersa ng estado para ipagpatuloy ang kanilang pamamaslang, iligal na pang-aaresto at pangre-redtag.

Sa kasalukuyan, 34 pulis ang iniimbestigahan ng Department of Justice na suspek sa pagpatay kay Manny Asuncion at mag-asawang Evangelista. Nagpahayag rin ang National Bureau of Investigation na mayroong “sadyang intensyon na pagpaslang” batay sa resulta ng kanilang autopsy.

Inihayag ng grupong Anakpawis na mula Disyembre hanggang Enero ngayong taon, tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang-tao. Sa tala ng Tanggol Magsasaka, may limang biktima ng pamamaslang, 14 biktima ng pagkasugat bunga ng pamamaril, 4 na insidente ng reyd sa kabahayan, pandarahas at intimidasyon.

AB: Huwes na naglabas ng mga warrant sa Bloody Sunday at Tumandok masaker, inangat sa Court of Appeals
n/a