Duterte, magreretiro na nga ba sa pulitika?

Sa pang-ilang ulit na, muling ipinahayag ni Rodrigo Duterte na “magreretiro na” siya sa pulitika. Sinabi ito ng Malacañang pagkaraang upisyal niyang iniatras ang kanyang kandidatura sa pagkasenador noong Disyembre 14. Ilang oras bago nito, upisyal na ring umatras sa kanyang kandidatura sa pagka-presidente sa eleksyong 2022 ang kanyang pinakamatapat na alagad na si Sen. Christopher “Bong” Go.

Sa kanilang isinumiteng papeles sa Commission on Elections, nilagdaan ni Duterte ang pahayag ng pag-atras noong Disyembre 11 at Disyembre 8 naman ang kay Go. Parehong silang kasapi ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban-paksyong Cusi) bago sila tumakbo bilang mga panghaliling kandidato noong Nobyembre 15 at Nobyembre 13 sa ilalim ng hindi kilalang partidong Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS).

Walang nagulat o nanghinayang man lamang sa anunsyong pag-atras ni Duterte. Ito ay sa kabila na noong araw ding iyon ay ipinahayag ng kanyang anak na babaeng si Sara Duterte-Carpio, kumakandidato sa pagka-bise presidente, na nangunguna sa kanyang listahan ng anim na kandidato sa pagka-senador ang kanyang ama.

Doble-kayod ang kailangang gawin ni Duterte-Carpio ngayong mukhang naglaho na ang popularidad ng dati’y dinu-dyos niyang ama at nalamangan na sila ng kanilang kasing-tusong mga alyado. Umaasa ngayon ang mag-ama na maabot ang mataas, pero di gaano kapakipakibang, na pusisyon ng pagkabise presidente sa pamamagitan ng pagsakay sa ampaw at bayad na kampanya ni Ferdinand Marcos Jr.

Hayagan mang umatras si Duterte sa pagkakandidato, walang naniniwalang wala siyang ibang imbing binabalak dulot ng kanyang tuso at brutal na kasaysayan sa pulitika.

Ipinahayag ni Duterte ang “kanyang pag-atras sa pulitika” ilang araw pagkatapos niyang tanggapin ang imbitasyon ni President Joe Biden ng US na magsalita sa dalawang-araw na Summit for Democracy. Umani ito ng mga pagbabatikos mula sa mga grupo ng karapatang-tao sa loob at labas ng bansa.

Hindi pasado si Duterte para magsalita tungkol sa demokrasya sa Pilipinas. Ito ay dahil ang kanyang halos anim na taong panunungkulan ay isang paghahari ng teror, ayon sa hiwalay na mga pahayag ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) at Karapatan.

Anila, lubusang katatawanan ang imbitasyon ni Biden dahil iniimbestigahan ngayon ang rehimeng Duterte ng International Criminal Court sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan bunsod ng kanyang “gera kontra-droga”. Nire-red-tag ng kanyang NTF-Elcac ang mga aktibista at binansagan silang mga terorista dahil sa pagtataguyod sa karapatan ng mamamayan.

Sinulatan din ng US Filipinos for Good Governance (USFGG) si President Biden noong Disyembre 8 upang ipaabot ang kanilang protesta sa imbitasyon niya kay Duterte. Anila, ginagawang katatawanan lamang ang demokrasyang ipinangangaladakan ng US sa buong mundo dahil sa malalaking krimen ni Duterte.

Walang maibibigay na mabuting ideya si Duterte sa mundo kundi ang kanyang “pasistang populismo, panunupil at mga paglabag sa karapatang-tao,” anang ICHRP. Binalaan naman ng Karapatan si Biden na ang pagsali ni Duterte sa Summit for Democracy ay pagkukunsinti sa kanyang mga kasinungalingan at di demokratikong paghahari sa Pilipinas. #

AB: Duterte, magreretiro na nga ba sa pulitika?
n/a