Drone ng AFP, bumagsak sa Bukidnon

, , ,

Bumagsak ang isang Hermes 900 na drone ng Philippine Airforce (PAF) kahapon, Mayo 28, sa bayan ng Baungon sa Bukidnon. Ang Hermes 900 ang pinakaabanteng unmanned aerial vehicle (UAV) o drone sa armada ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at nagkakahalaga ng tinatayang $25 milyon (₱1.25 bilyon) kada yunit.

Sa paunang ulat ng PAF, bumagsak umano ang drone dahil sa “problema sa sistema” nito at sinabing walang kamalian sa bahagi ng mga tauhan o opereytor. Kinutya ito ng maka-AFP na website na MaxDefense, na nagsabing mas madalas “human error” o kasalanan ng tao at hindi aberya sa makina ang dahilan ng pagkawasak ng mga gamit ng militar.

Dahil dito, nabawasan na ang siyam na Hermes 900 UAVs ng PAF na ginagamit sa mga operasyong kontra-insurhensya sa bansa mula noong Setyembre 2019. Bahagi ito ng tumataginting na ₱8.47 bilyong pagbili ng gubyerno sa siyam na Hermes 900 at apat na Hermes 450. Ang mga ito ay sa ilalim ng AFP Modernization Program na bilyun-bilyong pisong pondo na nilulustay ng magkakasunod na mga rehimen sa mga gamit militar sa kontra-insurhensya.

Ang Hermes 900 ay gawa ng Elbit Systems, isa sa pinakamalaking kumpanya ng armas ng pasistang estado ng Israel. Noong 2021, ibinilang ito sa 23 internasyunal na kumpanya na kumikita sa pang-aabuso sa karapatang-tao ng mga migrante at refugee sa buong mundo. Pangunahin itong nakikinabang sa kampanyang henosidyo ng Israel laban sa mamamayang Palestino.

AB: Drone ng AFP, bumagsak sa Bukidnon
n/a