Di pagsipot ni Marcos sa debate ng mga kandidato, umani ng batikos

Kabi-kabila ang batikos kay Ferdinand Marcos Jr matapos niyang tanggihan ang paanyaya sa kanya ng isang network sa telebisyon na lumahok sa isang panayam, kasabay ng lima pang kandidato pagkapresidente. Isinahimpapawid ang naturang programa ng GMA-7, na pinangunahan ng mamamahayag na si Jessica Soho, noong hapon ng Enero 22.

Sa araw na iyon, nag-trend sa Twitter ang #MarcosDuwag. Ilampunglibong beses din ibinahagi ng mga netizen ang isang panayam kay Marcos Jr noong 2016 kung saan hindi niya masagot ang mga tanong ni Soho kaugnay sa nakaw na yaman ng kanyang pamilya at mga paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng diktadurang Marcos.

“Ang kaya lang ni Junior ay KBL (Kasal, Binyag, Lamierda) pero HIDE (Hearing, Interview, Debate at Explanation ng Platform), ang laking duwag!” pagkutya ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

“Maraming dapat ipaliwanag si Marcos Jr. kaugnay sa papel niya sa madugong batas militar ng tatay niya, sa pagnakaw nila ng bilyun-bilyong dolyar mula sa bayan, at kung ano ang mga plano niya sa bansa,” ani Rep. Ferdinand Gaite sa isang pahayag.

Hindi rin tama ang pagdadahilan ng mga abugado ni Marcos na “biased” si Soho kaya hindi sumipot si Marcos Jr sa kanyang programa. “Ang mga mamamahayag na nagtatanong ng mahihirap na tanong ay hindi biased,” ayon kay Danilo Arao, propesor ng journalism sa University of the Philippines at pinuno ng grupong Kontra-Daya. “Ang mga totoong ‘biased’ ay yung mga mamamahayag na nakikipagsalamuha sa mayayaman at makapangyarihan matapos sila magtanong ng malalamyang tanong.”

AB: Di pagsipot ni Marcos sa debate ng mga kandidato, umani ng batikos
n/a