Di malaya, totohanan at patas ang eleksyong “nagpanalo” kay Marcos Jr — ICHRP

,

Isinapubliko noong Hunyo 28 ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICRHP) ang pinal na ulat ng International Observers Mission (IOM) nito kaugnay sa eleksyong 2022 sa bansa.

Idineklara ng misyon na hindi pasado sa mga internasyunal na pamantayan ng isang malaya, totohanan at patas na eleksyon ang kagaganap lamang na eleksyon sa Pilipinas.

“Ang eleksyong ito ay binahiran ng mas mataas na antas ng kapalpakan ng electronic voting system kumpara sa nakaraan, kasabay ng mas mataas na antas ng lantarang pagbili ng mga boto, nakababahalang antas ng red-tagging at ilang insidente ng nakamamatay na karahasan,” anito. Pinansin ng IOM na maraming botante ang hindi nakapaghulog ng kanilang boto sa ballot box, at marami ang nag-iwan ng boto sa mga upisyal ng eleksyon na labag sa pagiging sikreto ng boto.

Hindi bukas sa publiko at hindi rin katiwa-tiwala ang pagbibilang ng boto ng mga vote counting machine (VCM), anito. Di rin kapani-paniwala ang bilang dahil sa bilis ng transmisyon ng mga resulta, ang kamangha-manghang paglaho ng halos 900,000 boto ng partidong Bayan Muna at pagkapanalo ng isa lamang na kandidato ng oposisyon sa senado. “Paano ito nangyari, gayong nakakuha si Robredo ng botong 30 porsyento?” tanong ng ulat.

Gayundin, batbat ng mga paglabag sa karapatang-tao ang mga buwan bago ang eleksyon. Itinuring ng IOM na “unang pampulitikang pamamaslang” na may kaugnayan sa eleksyon ang kaso ng pagpatay sa dalawang myembro ng partidong Anakpawis sa Sorsogon noong Enero 15. Nasundan ito ng iba pang pamamaslang (4 na kaso), pamamaril (2), pagdukot (3), pagbabanta (1), pang-aaresto at detensyon (9), at harasment at sarbeylans sa mga kandidato at tagasuporta (3). Nagkaroon din ng napakalaganap na red-tagging (8 dokumentadong kaso), pagbili ng boto, pagmanipula at panggigipit sa midya (5 kaso), pekeng balita at harasment ng kampo ni Marcos Jr sa mga mamamahayag.

Sa labas ng bansa, patong-patong na hirap at anomalya ang hinarap ng mga migranteng Pilipino sa mga araw ng botohan. Maraming VCM ang di gumana, at harapan ang electioneering.

Sa kanayunan, mismong mga sundalo ang nagbahay-bahay para ired-tag ang mga progresibong partido at ang tambalang Leni-Kiko, mayroon ding mga kasong harap-harapang nangampanya para kay Marcos Jr ang mga sundalo. Sa maraming lugar, gumamit ang maramihang text messaging para siraan ang blokeng Makabayan at malisyoso silang iugnay sa rebolusyonaryong kilusan. “Malaking ang epekto (sa mamamayan) ng di beripikadong mga alegasyong pinaulit-ulit sa napakaraming pagkakataon at paraan,” ayon pa sa ulat. Nasaksihan ng IOM ang ganitong mga insidente sa Central Luzon, Eastern Visayas, NCR, Soccsksargen, Southern Tagalog, at Central Visayas.

Sa mga lugar din na ito nadokumento ng IOM ang laganap na vote buying kung saan ₱300 ng hanggang ₱5,000 kada botante ang iniaabot ng mga lokal na kandidato at opereytor ng kampo nina Marcos at Duterte. Iniaabot ang mga ito na nakasobre, pero uso na rin ang pagpapasa ng suhol sa pamamagitan ng G-Cash.

Bago ang eleksyon, may nakausap din ang IOM na mga botante na binayaran para dumalo sa mga rali. Isa sa mga dinaluhan ng mga delegado ang rali ni Marcos sa Parañaque (malapit sa Solaire Hotel), kung saan kinumpirma ng ilang dumalo na binigyan sila ng ₱300-₱500 kada isa.

Kahit pagkatapos ng eleksyon, nagtutuluy-tuloy ang panggigipit sa mga progresibong kandidato, pareho ang mga natalo at nakalikom ng sapat na boto.

AB: Di malaya, totohanan at patas ang eleksyong “nagpanalo” kay Marcos Jr — ICHRP
n/a