Daan-daan, dumalo sa libing ng 2 magsasaka sa Quezon

,

Inilibing kahapon, Nobyembre 23, ng daan-daang mga kababaryo ang dalawang maglulukad o magniniyog na pinaslang ng 59th IB. Sigaw ng 400 nagmartsa ang katarungan para sa kanilang kababaryo.

Pinaslang ng mga sundalo ng 59th IB sina Jorge Coronacion, 64, at Arnold Buri, 43, noong Nobyembre 17 sa isang gawa-gawang engkwentro sa Barangay Taquico, Sampaloc, Quezon. Pinalabas ng militar na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Mariing pinasinungalingan ng pamilya at mismong kapitan ng barangay ang sinasabi ng mga sundalo na kasapi ng BHB sina Coronacion at Buri. Bukod sa matanda na, si Coronacion ay may problema sa paningin.

Sa naipong ulat ng grupong Tanggol Magsasaka-Southern Tagalog, alas-7 ng gabi ay nasa kanyang bahay pa ni Buri ang dalawang magsasaka. Taliwas ito sa ipinagkakalat ng militar na lampas alas-5 ng hapon sila napatay sa “engkwentro.” Ayon din sa kanilang mga kapamilya, wala silang narinig na putukan sa itinuturong lugar ng engkwentro. Wala ring makikitang tama ng bala o anumang palantandaan na may naganap na engkwengtro sa lugar.

“Malinaw na isa itong kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang,” sabi ni Danilo Ramos, Pambansang Tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Sina Coronacion at Buri ang ika-343 at ika-344 na magsasakang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Bilang tugon sa panawagan ng mga grupong magsasaka, naghain ang Bayan Muna Partylist ng House Resolution 2372 sa House of Representatives para imbestigahan ng komite ng karapatang-tao ng kongreso ang pagpaslang sa dalawang magasaka. Bukod dito, tumugon din ang Komisyon ng Karapatang Pantao (CHR) Region 4A na magsasagawa sila ng sarili nilang imbestigasyon.

AB: Daan-daan, dumalo sa libing ng 2 magsasaka sa Quezon
n/a