Buwis sa alawans ng mga guro sa eleksyon, kinastigo

Kinastigo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang 20% buwis na ipinataw sa maliit nang alawans sa transportasyon ng mga guro na magsisilbi sa darating na eleksyon. Nagpiket ang ACT National Capital Region sa harap ng upisina ng Commission on Elections sa Intramuros, Manila ngayong Marso 10. Sinabayan ito ng protestang online.

Sa ulat ng mga lokal na unyon ng ACT, ang kakarampot na ₱2,000 na alawans ay kakaltasan ng ₱400 na buwis. Sa nakaraan, nasa 5% lamang ang kaltas na buwis. Panawagan na noon na tanggalin ito.

“Ang panawagan namin, tanggalin ang di-makatwirang 5% buwis sa kakarampot na allowances at honoraria ng mga gurong magsisilbi sa eleksyon,” pahayag ni Vladimer Quetua, pangulo ng unyon ng ACT-NCR. Sa halip na tugunan, itinaas pa ng Comelec ang kaltas. Unang ipinatupad ng Bureau of Internal Revenue ang pagbubuwis sa natatangap na pang-eleksyong alawans ng mga guro noong 2018.

Noon ding 2018, naghapag ng panukala ang ACT Teachers Partylist para tanggalin ang buwis sa honorarium. Umabot it sa ikatlong pagdinig sa Mababang Kapulungan pero wala itong katambal na panukala sa Senado.

Sampal sa mga guro ang pagbubuwis sa kanila habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga batayang bilhin at serbisyo.

“Bugbog na nga kami sa krisis, kami pa rin ang bubuwisan. Samantalang puro tax holiday at exemption ang malalaking korporasyon,” ayon pa kay Quetua.

Bukod pa sa isyung ito ng pagbubuwis, dismayado rin ang ACT sa demosyon sa mga guro na mayroong Covid-19 sa pagsisilbi sa mas mataas na pusisyon sa Electoral Board, diskriminasyon sa mga gurong kasapi ng ACT, paggigiit ng dagdag-sahod para sa kanila at pagbibigay ng serbisyong medikal at ligal kaugnay ng kanilang trabaho sa electoral board.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin hinaharap ng Comelec ang mga guro at kanilang unyon para pag-usapan ang mga isyung ito. “Dalawang buwan na lamang at eleksyon na, kailan pa planong harapin ng COMELEC ang mga guro?” pagtatapos ni Quetua.

AB: Buwis sa alawans ng mga guro sa eleksyon, kinastigo
n/a