Botohan para ibalik ang open-pit mining sa South Cotabato, naantala

,

Hindi natuloy ang nakatakdang botohan sa pamprubinsyang gubyerno ng South Cotabato kaugnay sa pagbabasura ng Environment Code kahapon, Abril 18, matapos na hindi dumalo ang walo sa 14 board member ng lokal na pamahalaan. Kabilang sa mga hindi dumalo ang tatlong nagtutulak sa pagbabasura sa lokal na tuntunin na magbibigay-daan sa panunumbalik ng open-pit mining sa prubinsya.

Ayon sa lokal na pahayagan, ang hindi pagdalo ng mga upisyal ay malamang dahil sa pagtutol ng mayorya sa panukalang pagbabasura. Tanong nito, bakit animo’y nagtataguan ang mga lokal na upisyal? Ito ba ay dahil sa nalalapit na eleksyon?

Ang panukalang pagbabasura sa Environment Code ay itinutulak ng rehimeng Duterte at ng dambuhalang kumpanyang Sagittarius Mining Incorporated. Tahasang ipinagbabawal ng naturang Environment Code ang open-pit mining operation sa prubinsya. Ang ilan sa mga nagtulak sa pagbabasura ng lokal na tuntunin ay dating mga tagapagtaguyod nito.

Dahil dito, dismayado ang mga aktibistang kontra-mina. Maraming sektor sa prubinsya ang matagal nang tumututol sa pagmimina ng SMI.

Sa araw na iyon, nagtipon sila sa Rizal Park at nagmartsa tungong kapitolyo ng Koronadal City ang mga aktibistang kontra-mina sa pangunguna ng Laban ng Masa. Dinaluhan ito ng kandidato pagkapresidente na si Leody de Guzman.

AB: Botohan para ibalik ang open-pit mining sa South Cotabato, naantala
n/a