Batikang Palestinong mamamahayag, pinatay ng Israel

,

Malawakang kinundena ng mga mamamahayag, iba’t ibang grupo at gubyerno ang pagpaslang ng mga armadong pwersa ng Israel kay Shireen Abu Akleh, 51, isa sa pinakakilalang mamamahayag sa rehiyon noong Mayo 11. Si Abu Akleh ay isang American-Palestinian na bahagi ng Al Jazeera Media Netwok.

Mariing kinundena ng Al Jazeera ang anito’y sadyang pagpaslang kay Abu Akleh habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang mamamahayag. Ayon sa network, nakasuot ng press jacket at helmet si Abu Akleh na malinaw na nagtutukoy sa kanya bilang bahagi ng midya. Malinaw din sa mga sundalo ng Israel ang kinaroroonan niya sa panahong iyun, kasama ang iba pang myembro ng midya.

Ayon sa kasama niyang mamamahayag, napakalinaw na sadyang tinarget ng sinumang bumaril sa kanya ang bahagi ng kanyang katawan na hindi protektado. Binaril siya sa ulo, sa bandang baba ng kanyang tainga na hindi saklaw ng kanyang helmet.

Sadya ring binaril sa likod ang mamamahayag na si Ali al-Samudi, katrabaho niya sa Al Jazeera, nang sumaklolo ito sa kanya. Ibinabalita noon nang live ni Abu Akleh, al-Samudi at iba pang mamamahayag ang operasyong militar ng Israel laban sa mga Palestino sa Jenin refugee camp sa hilagang bahagi ng West Bank.

Tinawag ng Al Jazeera, Palestine Authority, mga kaanak, mga kapwa niya mamamahayag at maging ng estado ng Qatar kung saan nakabase ang network na “asasinasyon” ang pagpatay sa kanilang mamamahayag. “Ito ang paraan para patahimikin siya,” ayon sa kanyang mga kaanak.

Ayon sa UN Special Rapporteur on Palestine na si Francesca Albanese, ang pagpatay kay Abu Akleh ay isang “seryosong paglabag sa international humanitarian law at potensyal na krimen sa digma sa ilalim ng Rome Statute ng International Criminal Court.” Mismong ang Palestine Authority ang nakahandang magsampa ng kaso kaugnay sa pamamaslang, dagdag sa napakarami nang kasong nakasampa laban sa Israel sa korteng ito.

Hindi nagtapos ang karahasan ng Israel sa pagpaslang kay Abu Akleh. Sinalakay ng mga sundalo nito ang martsa ng kanyang libing sa sumunod na araw, Mayo 12. Tinangka nitong buwagin ang prosesyon sa Jerusalem at pinagbabatuta ang mga may dala ng kanyang kabaong.

Ipinagluksa si Abu Akleh ng buong Palestine na nagturing sa kanya bilang kanilang “boses” sa midya. Ibinalita niya ang napakarami nang mahahalagang paglaban ng mamamayang Palestino mula nang maging mamamahayag siya ng Al Jazeera noong 1997.

AB: Batikang Palestinong mamamahayag, pinatay ng Israel
n/a