Anyare Comelec? “Biased” na operasyong baklas ng mga materyal pangkampanya, umani ng batikos

Umani ng batikos, laluna mula sa kampo ng kandidato pagkapresidente na si Leni Robredo, ang isinagawa ng Commission on Elections na Operation Baklas noong Pebrero 16. Sa maraming bahagi ng bansa, tila tinarget ng mga empleyado ng Comelec, katuwang ang mga pulis, bumbero at iba pang pwersang pansegurdad ng estado, ang mga tarpulin at poster ng kanyang kampo. Pinasok ng mga tauhan ng Comelec maging ang mga pribadong bahay at hedkwarters ng kampanyang Robredo para baklasin ang mga materyal sa loob at paligid nito.

Hindi nakaligtas maging ang isang mural na ipininta ng kabataan sa bakod ng isang pribadong bahay sa Echague, Isabela. Walang kaabog-abog na pininturahan ng puti ang bakod na kulay pink nang walang paalam sa may-ari nito. Sa parehong bayan, hindi ginalaw ng Comelec ang mga bandera at tarpulin ng hedkwarters ng mga kampanyang Marcos-Duterte.

“Walang kapangyarihan ang Comelec na magbaklas ng mga campaign materials na ang sukat ay di naaayon sa Comelec Rules basta’t ang mg ito ay nakapost sa pribadong lugar na may pahintulot ang may-ari,” ayon kay Atty. Romulo Macalintal, isang election lawyer. “Mali at labag sa saligang batas na basta na lamang binaklas ng Comelec ang mga campaign materials na ito nang hindi binibigyan ng pagkakataon na marinig muna ang panig ng mga nagpaskil.”

“Maging ang pagtakda ng sukat ng campaign materials na ipinapaskil ng mga non-candidate (di kandidato) sa pribadong lugar ay di rin maaaring pakialaman ng Comelec,” ayon pa sa abugado. Ito ay dahil ang mga tuntunin ng Comelec sa gayong mga bagay ay para lamang sa mga kandidato at di nito saklaw ang hindi kandidato tulad ng mga tagasuporta lamang.

Bago pa ang koordinadong pagbabaklas sa pambansang saklaw, isinagawa na ito ng mga lokal na upisyal ng Comelec laluna sa mga lugar kung saan may malakas na presensya ang kampanyang Robredo. Inireklamo ng Lawyers4Leni sa Cagayan de Oro ang malawakang pagtatanggal ng mga poster ng tambalang Leni-Kiko sa syudad noong Pebrero 11. Anila, kahit ang mga poster na nakaayon sa sukat na nakasaad sa Comelec Rules ay binaklas ng mga tauhan nito. Binaklas din sa syudad ang mga materyal na nakapaskil sa mga pribadong lugar.

Kabilang sa mga bumatikos si Neri Colmenares, kandidato pagkasenador ng Makabayan. Aniya, dapat pagtuunan ng pansin ng Comelec ang pagmamalabis ng mayayamang kandidato sa pangangampanya sa halip na targetin ang mga kandidatong relatibong mas maliliit ang pondo at umaasa lamang sa boluntaryong paggawa ng mga materyal ng mga tagasuporta nito.

Nagpahayag ang kampo ni Robredo na handa itong kasuhan ang Comelec at iba pang sangkot sa iligal na pagbaklas ng kanilang mga materyal pangkampanya.

Bago nito, inulan na ng batikos ang Comelec sa desisyon nitong ibasura ang petisyon para idiskwalipika at ikansela ang kandidatura ni Ferdinand Marcos Jr. Marami rin ang nagkwestyon sa maanomalyang paggawad nito ng kontrata sa transportasyon ng mga kagamitang pang-eleksyon sa kumpanyang F2 Logistics na pag-aari ng kroni ni Duterte na si Dennis Uy. Para sa kanila, ang tagibang na Oplan Baklas ay dagdag patunay sa pagkiling ng ahensya at mga komisyuner nito sa rehimen at sa tambalang Marcos-Duterte.

AB: Anyare Comelec? “Biased” na operasyong baklas ng mga materyal pangkampanya, umani ng batikos
n/a