Anti-neoliberal na kandidato, nanalong pangulo sa Honduras

,

Nanalo ang deklaradong sosyalista at anti-neoliberal na si Xiomara Castro ng partidong Liberty and Refoundation bilang pangulo ng Honduras sa pambansang eleksyon na idinaos noong Nobyembre 28. Sa kanilang kampanya, puspusang tinutulan ni Casto at kanyang partido ang “palpak na neoliberal na modelo” sa ekonomya ng bansa. Tinalo ni Castro ang tuta ng US at awtoritaryan na si Juan Orlando Hernández ng National Party of Honduras.

Sa panahon ng elektoral na kampanya, nangako si Castro na isusulong ang mga karapatan at kalayaan ng mamamayang Honduran at babaligtarin ang neoliberal na repormang ipinatupad ng nagdaang mga administrasyon. Nakasentro ang kampanya ni Castro sa pagpapataw ng buwis sa pinakamayayaman para pondohan ang mga pambulikong programa ng estado. Target niyang baligtarin ang pribatisasyon ng pampublikong mga serbisyo, kabilang ang kalusugan at edukasyon, na nagresulta sa malawakang mga protesta sa bansa noong 2019.

Plano ring niyang buwagin ang neoliberal na batas na Employment and Economic Development Zones na inaprubahan noong Mayo na nagtatag ng mga sonang pang-ekonomya sa bansa na ganap na kontrolado ng dayuhang mga mamumuhunan. Ani Castro, “Para makalikha ng trabaho at pag-unlad sa bansa, hindi natin kailangan ibenta ang ating soberanya.”

Bahagi din ng elektoral na plataporma ni Castro ang pagpapataw ng buwis sa pinakamayayaman, at pagtataguyod sa karapatan ng mga kababaihan at LGBT. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makababalik sa poder ang Kaliwa sa naturang bansa, 12 taon matapos ang kudetang ipinakana ng US para patalsikin si Manuel Zelaya noong 2009. Si Zelaya ay asawa ni Castro.

Matapos ang kudeta, iniluklok ng US sa poder ang mga papet nito na sina Porfirio Lobo Sosa (2010-2014) at Hernández (2014-2021) bilang pangulo ng bansa. Sila ang nanguna sa malawakang pagtutulak ng mga repormang neoliberal sa bansa alinsunod sa dikta ng US sa nakalipas na mahigit isang dekada. Kasabay nito, lumaganap ang katiwalian at organisadong krimen sa lahat ng mga pampublikong institusyon sa bansa, at naging awtoritaryan at militarisado ang lipunan. Gaya sa Pilipinas sa panahon ng pandemyang Covid-19, lalupang tumindi ang awtoritaryanismo, presensyang militar, pagsikil sa mga karapatan at pagsasara ng iba pang demokratikong mga espasyo sa ngalan ng pagsugpo sa pandemya.

Isa sa mga pinakamalaking krisis na kinahaharap ng Honduras ang malawakang migrasyon ng mamamayan dulot ng malawakang krimen, kahirapan at kawalan ng suporta para sa mga biktima ng natural na mga sakuna. Mula Setyembre 2020 hanggang Setyembre 2021, tinatayang 321,000 Honduran ang dinakip at idinetine ng mga pwersang panseguridad sa mga hangganan ng US.

Ayon sa Forbes, ang Honduras ang ikalawang pinakamahirap na bansa sa Central America na nahaharap sa matinding hindi pagkakapantay-pantay ng yaman at disempleyo.

AB: Anti-neoliberal na kandidato, nanalong pangulo sa Honduras
n/a