Anak ng diktador, hinirang na ika-17 pangulo ng Pilipinas

, , ,

Naiproklama na ng Kongreso ang anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Jr. bilang ika-17 pangulo ng bansa noong Mayo 25. Nauna sa kanya ang proklamasyon kay Sara Duterte, anak ng tiranikong si Rodrigo Duterte at alkalde ng Davao City, bilang bise presidente.

Binansagan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang upisyal na proklamasyong ito bilang “pagkukumpleto” ng panunumbalik ng mga Marcos sa poder at ang pagpalawig sa paghahari ni Duterte. Naganap ang restorasyong ito makaraan ang 36 taon at tatlong buwan mula noong pinalayas ang mga Marcos sa Malacañang nang bumagsak ang pasistang diktadura ni Marcos Sr. sa pag-aalsa sa EDSA noong Pebrero 1986.

Sa kabila ng pagpaabot ng pagbati ng Malacañang kay Marcos Jr., hindi nagpadala ng personal na pagbati si Rodrigo Duterte sa hahalili sa kanya bilang pangulo. Pinansin ng midya na walang mga kamag-anak na sumaksi sa proklamasyon ni Sara Duterte, taliwas sa tradisyunal na kalakaran sa gayong okasyon.

Habang nagsasaya ang pinakamasasaol na pangkatin ng naghaharing sa hungkag na pangakong “pagkakaisa,” malaking bahagi ng mamamayang Pilipino, kabilang ang mga nakaranas ng batas militar at ang kabataan, ay nangangamba sa pagbabalik ng paghaharing diktadura.

May batayan ang pangambang ito. Hindi pa man nakaupo sa pwesto, ramdam na ang lalong pagsikip sa nalalabing demokratikong espasyo. Sa nakaraang mga araw, bago ang proklamasyon, sunud-sunod ang pambubuwag sa mga protesta ng mamamayan. Pinakahuli ang pwersahang pagbuwag ng mga pulis sa mapayapang rali na idinaos sa labas ng Commission on Human Rights (CHR) sa Quezon City sa araw mismo ng proklamasyon.

Noong hapon ding iyon, marahas na binuwag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga raliyista nang nagsimula silang magmartsa patungo sa Batasang Pambansa kung saan gaganapin ang proklamasyon.

Mariing binatikos ng CHR at ng Karapatan ang paggamit ng pwersa ng mga pulis ng NCRPO upang buwagin ang mga raliyista. Mapayapang idinaos ang kanilang rali sa Liwasang Diokno sa loob ng bakuran ng CHR sa Diliman, Quezon City bago sinimulan ang martsa. Sa tarangkahan pa lamang ng CHR ay binomba na ng tubig at pinagbabatuta ng mga pulis ang mga ralyista kung saan 14 sa kanila ang nasugatan.

Hindi sila basta-bastang mananahimik sa mga nangyayari, ayon sa mga grupong anti-Marcos. Sa harap ng pagbabalik ng mga pwersa ng tiraniya at pasismo, lalong lalakas ang kanilang pagpuprotesta at paglalaban sa anuman at lahat na pagtatangkang ibalik ang lagim ng batas militar ng rehimeng Marcos I.

AB: Anak ng diktador, hinirang na ika-17 pangulo ng Pilipinas
n/a