Abugadong tagapagtanggol ni Duterte at mga Marcos, sinuspinde ng Korte Suprema

Sinuspinde kahapon ng Korte Suprema ang lisensya ng abugadong kilalang panatikong maka-Duterte at maka-Marcos. Binigyan ng korte si Lorenzo Gadon ng sampung araw para magsumite ng mga dahilan kung bakit hindi siya dapat tuluyang ilalaglag bilang abugado.

Naging kilala si Gadon sa kanyang magagaspang na pananalita ng pagtatanggol kay Duterte. Personal na iniendorso ni Duterte ang kanyang pagtakbo sa senado para sa eleksyong 2022.
Ginawa ang pagsuspinde matapos lumaganap sa social media simula Disyembre 15, 2021 ang isang bidyo kung saan minumura ng abugado ang beteranong mamamahayag na si Raissa Robles. Maririnig dito ang pagmumura at pambabastos ni Gadon kay Robles kaugnay sa ulat na nagsabing isang tax evader o hindi nagbabayad ng buwis si Ferdinand Marcos Jr.

Batikan mamamahayag si Robles na dati nang nagsusulat laban sa diktadura ni Marocs at ngayon laban sa tiraniya ni Duterte. Ayon sa Korte Suprema, hindi lamang atake kay Robles ang ginawa ni Gadon, kundi sa lahat ng mga propesyong ligal.

Nagpasalamat si Robles sa Korte Suprema at sa lahat ng mga sumuporta sa kanya laban kay Gadon. Kabilang sa pinasalamatan niya ang Gabriela, na aniya’y hayagan siyang ipinagtanggol kahit pa may ilan siyang nasabing “kritikal sa Kaliwa.” Aniya, ipagpapatuloy niya ang pagsasampa ng kaso para tuluyan nang bawiin ang lisensya ni Gadon bilang abugado.

Kasama niyang nagbunyi ang mga progresibong abugado, tagapagtanggol ng karapatan sa pamamahayag at demokratikong mga organisasyon.

AB: Abugadong tagapagtanggol ni Duterte at mga Marcos, sinuspinde ng Korte Suprema
n/a