Ᵽ203 bilyong buwis, di binayaran ng pamilyang Marcos

Walang natanggap ni isang sentimo ang gubyerno ng Pilipinas sa Ᵽ203 bilyong buwis na dapat bayaran ng pamilyang Marcos sa iniwang yaman ni Ferdinand Marcos Sr. makaraan ang mahigit 30 taong pagkamatay ng diktador.

Kapag tinatanong, lagi’t lagi itong iniiwasang sagutin ni Ferdinand Marcos Jr. Kamakailan lamang, tinakbuhan niya ang mga peryodistang nagtatanong sa kanya tungkol sa higanteng utang ng kanyang pamilya sa gubyerno nang magsagawa ng rali ang Marcos-Duterte tandem sa Cavite.

Kasabay nito, nagkalat ng kasinungalingan ang kanyang tagapagsalita na si Atty. Vic Rodriquez sa pagsasabing hindi pa umano nahusgahan sa hukuman ang obligasyong utang sa gubyerno. Pinabulaanan ito ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng Presidential Commission on Good Government. Ilang hukuman na, kabilang ang Korte Suprema noong 1997, ang naglabas ng desisyong dapat bayaran ng pamilyang Marcos ang kanilang mga utang, mula man ito sa nakaw na yaman o hindi.

Ayon sa pinuno ng BIR na si Caesar Dulay, pinadalhan na nila ng sulat ang pamilyang Marcos upang singilin ang kanilang utang na mga buwis sa gubyerno. Iginigiit ng iba pang mga kandidato sa pagka-pangulo na ang Ᵽ203 bilyon na ito ay dapat mapasakamay ng gubyerno upang mabigyang ayuda ang naghihirap na mamamayan.

Simula Enero, iniwasan ni Marcos Jr. ang mga debate at palabas sa telebisyon kung saan kailangan niyang sumagot at makipagdebate sa kapwa niya kandidato pagkapresidente. Hindi niya pinaunlakan ang mga imbitasyon ng GMA-7 at CNN-Philippines. Hindi rin siya sumipot sa itinakdang debateng inisponsor ng Commission on Elections. (Katulad niya, wala ring dinaluhang debate ang kanynag katambal na si Sarah Duterte.) Nagpapainterbyu lamang siya sa kanyang mapagkaibigang mamamahayag at artista at sa television network ng malapit na kaibigan ni Duterte at tagasuporta ni Marcos na si Pastor Apollo Quibuloy.

Samantala, pinanawagan noong Marso 26 ng grupong Kontra Daya na dapat magbitiw si Sen. Imee Marcos bilang tagapangulo ng Senate committee on electoral reforms dahil sa anomalya sa sistema ng election provider na Smartmatic. Napabalitang nagkaroon umano nang pagsingaw ng impormasyong ang Smartmatic kaugnay sa eleksyon.

Ayon kay Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, hindi maiiwasang magkaroon ng duda sa kalalabasan ng imbestigasyon na pamumunuan ni Imee dahil tumatakbo ang kanyang kapatid na si Marcos Jr. Dapat umanong magbitiw siya bilang tagapangulo at ibigay ang pamumuno ng imbestigasyon sa Smartmatic sa ibang senador na hindi kumakandidato ngayong eleksyon.#

AB: Ᵽ203 bilyong buwis, di binayaran ng pamilyang Marcos
n/a