Kasuklam-suklam na tubo ng mga kumpanya ng langis

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Ipinagyabang noong Agosto 1 ng Petron na lumobo ang kita ng kumpanya tungong ₱7.7 bilyon ($138.9 milyon) sa unang hati ng 2022 o doble kumpara sa ₱3.87 bilyon (o $69.8 milyon) na kita nito sa unang hati ng 2021.

Pinalalabas ng mga lokal na kumpanya sa langis na ang halos lingguhang pagtaas sa presyo ng diesel at gasolina ay resulta ng pagtaas ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Ito ay kahit repinadong mga produktong petrolyo mula sa China, Japan, South Korea, Singapore at iba pang bansa ang iniaangkat ng mga lokal na kumpanya.

Ang walang-kapantay na pagtaas ng presyo ng langis ay hindi dulot ng kakulangan ng suplay sa pamilihan. Ang totoo, tumataas ang presyo ng langis dahil sa di maibsang pagkagahaman sa tubo ng mga monopolyo kapitalista.

Noong Hulyo, iniulat ng mga monopolyong kumpanya ng langis sa US na tumabo sila ng walang kapantay na kita sa ikalawang kwarto ng taon (Abril hanggang Hunyo). Ayon sa Exxon Mobil Corp, pinakamalaking kumpanya ng langis sa US, tumubo sila ng $17.9 bilyon sa ikalawang kwarto, halos apat na ulit na mas malaki sa kita nila ($4.69 bilyon) sa parehong panahon noong 2021.

Samantala, nahigitan ng doble ng Chevron ang dating pinakamalaking tubo nito noong 2008. Sa ikalawang kwarto ng taong kasalukuyan, kumita ito ng $11.6 bilyon. Apat na ulit din itong mas malaki kumpara sa $3.1 bilyong tubo sa parehong panahon noong 2021.

Kumita naman ang Shell ng $11.59 bilyon sa ikalawang kwarto ng taon, dalawang ulit na mas malaki ($5.5 bilyon) kaysa ikalawang kwarto ng 2021. Nag-ulat din ang Total Energie ng $5.8 bilyong kita noong ikalawang kwarto, halos doble sa tubo nitong $3.5 bilyon sa parehong panahon noong nakaraang taon.


[UPDATED: 12:00nn August 12, 2022]

Kasuklam-suklam na tubo ng mga kumpanya ng langis
n/a