5 inaresto sa loob ng 2 linggo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Limang aktibista ang sunud-sunod na inaresto ng mga pwersa ng estado nitong nakaraang mga linggo.

Dinakip ng magkasanib na pwersa ng militar at pulis si Marites Pielago, koordineytor ng Makabayan sa Bicol at dating nominado ng Bayan Muna noong Hulyo 28 sa gawa-gawang kasong pagpaslang at bigong pagpaslang. Dinumog ng mga pwersa ng estado ang Dr. Nilo O. Roa Memorial Foundation Hospital sa Barangay San Francisco, Naga City kung saan nagpapagamot si Pielago.

Magkapatid na Lumad ang dinakip sa gawa-gawang kasong human trafficking sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo 25. Sina Mawing at Ismael Pangadas, mga mag-aaral ng Bakwit School, ay dinampot ng mga pulis matapos ang rali kontra-SONA sa Freedom Park, Roxas, Davao City.

Samantala, inaresto ng mga pulis sa gawa-gawang kasong rebelyon ang magsasakang si Gina Montenegro noong Hulyo 22 sa Purok 3, Hinapuyan, Carmen, Surigao del Sur.

Noong Hulyo 15, inaresto rin ng mga elemento ng estado si Arjay Verdera, kasapi ng Anakpawis Partylist, sa Bulusan, Sorsogon. Pinalalabas ng mga pulis na nasamsam mula sa kanya ang isang kalibre .38 baril at mga bala.

Sapilitang pagpapasurender. Nilinlang at sapilitang pinasurender ng mga elemento ng 15th IB at NTF-Elcac ang mga kasapi ng asosasyon sa Cauayan, Negros Occidental noong Hulyo 7-8. Kabilang sa pinadalong grupo ang Caliling Small Agricultural Farm Workers Association, Tuyom Farmers Association, Small Farmers of Manuling, Paghiliusa sang mga Mangingisda sa Lugway at Paghiliusa sang Mangingisda sa Guiljungan.

Sa pakikipagsabwatan ng militar sa lokal na gubyerno, pinalabas na gagawaran sila ng programang pangkabuhayan pero sa katunayan ay pinasuko bilang mga Pulang mandirigma.

Pagpapalayas. Sa pangunguna ng 2nd IB, kasabwat ang mga upisyal ng lokal na barangay, pinalayas ang mahigit 94 pamilya ng magsasaka na nagbubungkal sa may 550 ektaryang lupa na bahagi ng 1,807 ektaryang “pastuhan” na ipinaubaya na sa kanila ng gubernador ng Masbate na si Antonio Kho.

Saklaw ng lupang kanilang binubungkal ang mga barangay ng Cabungahan, Calapayan at Villaluna sa Cawayan. Ang mga lupang ito ay pang-agrikultura, at ipinadeklara lamang na pastuhan para makaiwas sa repormang agraryo.

5 inaresto sa loob ng 2 linggo
n/a