Mapanirang mga proyektong reklamasyon, pamana ni Duterte kay Marcos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Sa unang mga araw sa poder, pakitang-taong hinarang ni Ferdinand Marcos Jr ang panukala ng pagtatayo ng sonang pang-ekonomya sa Bulacan kung saan ilalatag ang dambuhalang proyektong Aerotropolis ng San Miguel Corporation (SMC). Aniya, disbentahe ang kontrata nito sa estado. Sa aktwal, muli lamang niyang isasalang sa negosasyon ang proyekto para siya naman ang makinabang sa mga kikbak dito. Dalawang araw matapos niya ibasura ang panukala, muli itong inihapag sa Senado ng kapatid niyang si Imee Marcos.

Isa ang ₱736-bilyong Aerotropolis sa mapanira sa kalikasan, di-syentipiko at kontra-mamamayang mga proyektong reklamasyon na pamana ng rehimeng Duterte kay Marcos. Ang iba pang malalaking proyektong nasa antas-aplikasyon ay ang Sangley Point International Airport Reclamation Project (1,900 ektarya) ng mga Remulla, ang 1,500-ektaryang planong reklamasyon ng SM Prime Holdings sa baybayin ng Cordova sa Cebu at Cavite Province Land Reclamation and Development Project ng mga Revilla (1,332 ektarya) na iginawad sa Century Peak Corporation, isang kumpanyang pag-aari ng tagasuporta ni Duterte na si Wilfredo Keng.

Liban dito, mayroong 120 mga proyekto na nakasumite sa Philippine Reclamation Authority (PRA) na nasa iba’t ibang antas ng aplikasyon, pagdidisenyo at implementasyon. Nasa 50 dito ay nasa Manila Bay.



Sabwatang burukrata at burgesya

“Hindi sa panahon ko,” ang sagot ni Rodrigo Duterte noong 2020 nang tanungin siya kung ano ang patakaran ng kanyang rehimen kaugnay sa reklamasyon. Sa ngalan ng kontra-korapsyon, isinalang niya sa renegosasyon ang mga proyekto para humuthot ng kikbak mula sa mga kontrata. Bago nito, ipinailalim niya sa kanyang upisina ang PRA para isentro sa kanya ang suhulan.

Sa katapusan ng kanyang termino, di bababa sa 30 proyekto ang pinahintulutan niyang magsagawa ng reklamasyon. Labintatlo rito ay sa Manila Bay. Isa ang Pasay Harbor City Reclamation Project ng kanyang kroni na si Dennis Uy at kasosyong kontraktor na Chinese ay nasa antas na ng aktwal na implementasyon. Pinakamalaki ang 650-ektaryang Navotas City Coastal Bay Reclamation Project ng Argonbay Construction Company, subsidyaryo ng SMC ng “matalik niyang kaibigan” na si Ramon Ang.

Sa ulat ng PRA, limang proyekto ang binigyan ni Duterte ng pahintulot para magsimula ng reklamasyon (apat sa Manila Bay, isa sa Mandaue, Cebu), walo ay may awtorisasyong ituloy ang mga plano (lima sa Manila Bay at tig-isa sa Batangas, Samar at Minglanilla sa Cebu) at 14 ang nasa antas ng kasunduan sa mga lokal na gubyerno (apat sa Manila Bay, tatlo sa Cebu, dalawa sa Cagayan at tig-isa sa Batangas, Southern Leyte, Iloilo, Palawan at Surigao del Sur.) Sa kabuuan, umaabot sa mahigit 4,500 ektarya ang lilikhaing mga isla at ekstensyon ng mga baybay ng mga proyektong ito.

Kalakhan ng mga kontrata ay direktang iginawad ni Duterte sa kanyang mga alyadong kumprador at pulitiko. Liban kina Ang at Uy, iginawad ni Duterte ang Pasay Reclamation Project (360 ektarya) sa pamilyang Sy. Pinahintulutan niya na ituloy ang Manila Waterfront City Reclamation Project ng mga Gatchalian, Mandaue City North Reclamation and Development Project ng mga Romero at Batangas Port Reclamation Project ng mga Leviste.

Pinahintulutan din ni Duterte ang pagtatayo ng Horizon Manila ng pamilyang Legaspi, isa sa pinakamalaking pribadong kontraktor ng gubyerno na sangkot mga maanomalyang proyekto ng dating presidenteng Gloria Arroyo. Maitutuloy na rin ang Manila City of Pearl Project ng UAA KinMing na pag-aari ng kanyang tagasuportang Chinese na si Kitson Soriano Kho.

Labas sa PRA, ilan pa sa may nakahapag na aplikasyon ay ang proyektong reklamasyon sa Dumaguete City at Laguna Lakeshore Expressway.

Taliwas sa ipinangangalandakang lilikha ang mga proyektong ito ng “daanlibong mga trabaho,” pawang mga kontraktwal, temporaryo at mababang klase ang mga trabahong iaalok nito sa mga Pilipino. Ito ay dahil halos lahat sa mga ito ay gagamit ng mga dayuhang kumpanya mula sa pagdidisenyo hanggang sa dredging at aktwal na paglalatag ng mga isla. Kabilang sa mga ito ang China Harbor Engineering Company, isang subsidyaryo ng China Communications Construction Company, ang kumpanyang iligal na nagsasagawa ng reklamasyon sa West Philippine Sea. (Unang bahagi)

Mapanirang mga proyektong reklamasyon, pamana ni Duterte kay Marcos
n/a