Apat na may sakit na Pulang mandirigma, minasaker

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynon

Walang-awang pinaslang ng mga sundalo ng 94th IB at lokal na pulis ang apat na may sakit na Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa Sityo Calunakon, Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental madaling araw ng Hulyo 6. Nagpapagaling ang mga mandirigma nang arestuhin sa kanilang tinutuluyang bahay. Imbes na ituring na mga bihag ng digma sang-ayon sa internasyunal na makataong batas, minasaker ng mga sundalo sina Roel Ladera (Ka Jack), Nica Dela Cruz (Ka Chai), Alden Rodriguez (Ka Rocky), at Roel Deguit (Ka Caloy). Pinalabas ng mga sundalo na napaslang ang apat sa isang engkwentro sa katabing barangay.

Noong Hunyo 29, binaril ng hindi kilalang lalaki si Federico “Deng” Gempesaw, anawnser sa radyo, habang pauwi sa kanilang tahanan sa Sityo Macangan, Barangay Carmen, Cagayan de Oro City. Pangatlo si Gempesaw sa mamamahayag na pinaslang sa Mindanao ngayong taon lamang.

Pambubuwag. Marahas na binuwag ng mga bayarang maton ang welga ng mga manggagawa sa Tanduay Distillers sa Talisay, Negros Occidental noong Hunyo 28. Sa bidyong inilabas sa social media, pinagsisipa ng mga maton ng Talisay Logistics Packaging Corporation ang mga manggagawa at mga kubol na itinayo ng Tanduay Bottle Sorters Organization (TanSO-SUPER). Inilunsad nila ang welga laban sa plano ng kumpanya na bawasan ang araw ng kanilang trabaho na magreresulta sa pagbagsak ng kanilang sahod. Panawagan din nila ang pagbabalik sa mga tinanggal, regularisasyon ng mga kontraktwal at pagbibigay sa kanila ng mga benepisyo.

Pag-aresto. Sa Aklan, 30 elemento ng 301st IBde ang nagbahay-bahay sa mga purok ng C. Laserna St., Poblacion, Kalibo noong Hunyo 22 upang tugisin at alamin ang kinaroroonan nina Kim-Sin Tugna at George T. Calaor, mga upisyal ng Bayan-Aklan.

Samantala, inaresto ng lokal na pulis si Susan Agner, lider ng Pamalakaya sa Maragondon, Cavite, kabilang ang tatlo pang residente ng Barangay Patungan noong Hunyo 23.

Militarisasyon. Mula Mayo 28, kinubkob ng mga elemento ng 303rd IBde ang 32 sityo, limang barangay sa Himamaylan City at Moises Padilla sa Negros Occidental. Saklaw din ng kanilang operasyon ang mga erya ng La Libertad, Guihulngan City at Vallehermoso sa Negros Oriental.

Sa Himamaylan City, mahigit 600 sundalo ang nakakampo sa 24 na sityo sa apat na barangay dito. Pangunahing apektado dito ang mga katutubong Tribu Magahat at Bukidnon na naninirahan sa lugar. Pitong sibilyan, kabilang ang dalawang menor de edad, ang iligal na inaresto at ininteroga sa Sityo Lunoy at Conalum.

Sinalakay naman ang upisina ng samahan ng magsasaka sa Barangay Carabalan at ininteroga ang tagapangulo ng asosasyon. Kinumpiska din ng mga ito ang mga papeles at ligal na katibayan ng asosasyon. Sa Moises Padilla, mahigit 100 sundalo ang nakapwesto sa mga sityo ng Barangay Quintin Remo.

Pwersahang pagpapasuko. Pinasinungalingan ng mga residente at ng BHB-Mt. Apo Subregional Command ang pagparada ng 72nd IB sa mag-amang sibilyan bilang mga Pulang mandirigma sa Barangay Magsaysay, Kibawe, Bukidnon noong Hunyo 23. Taliwas sa pahayag ng AFP, ang dalawa ay mga magsasaka sa lugar.

Samantala, nakalaya na si Nimfa Lanzanas, isa sa mga iligal na inaresto sa koordinadong serye ng mga pag-aresto at reyd na binansagang Bloody Sunday sa Southern Tagalog. Ibinasura ng Calamba City Regional Trial Court ang mga kaso laban sa kanya noong Hunyo 29.

Gayundin, ibinasura ng korte ang unang dalawang kaso na isinampa ng mga pulis laban sa #Tinang83 noong Hunyo 27. May limang kaso pang kinakaharap ang grupo. Noong Hunyo 20, pormal na kinilala ng Department of Agrarian Reform ang mga magsasaka bilang lehitimong mga benepisyaryo ng asyenda.

Apat na may sakit na Pulang mandirigma, minasaker
n/a