Peligro sa pagawaan, banta sa buhay ng mga manggagawa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Nadagdag sa mahabang listahan ng mga biktima ng paglabag sa mga tuntunin sa kaligtasan at kalusugan sa pagawaan si Stephen Corilla, isang manggagawa sa pabrika ng Universal Robina Corporation (URC) sa Tabok, Mandaue City, Cebu. Namatay si Corilla noong Hunyo 2 matapos umandar ang pulverizer machine ng kumpanya habang nasa loob siya nito.

Ayon sa mga manggagawa at ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), depektibo ang safety device ng makina, kaya biglang umandar habang nililinis ito ni Corilla. Pinalinis sa biktima ang makina kahit walang sapat na karanasan dito at dalawang linggo pa lamang siya sa trabaho.

Dagdag dito, walang naging kagyat na tugon ang kumpanya sa insidente at nagtuluy-tuloy ang operasyon sa pagawaan matapos ang krimen. Hindi kaagad iniulat ng kumpanya sa pulis, barangay, o DOLE ang pangyayari. Dagdag pa, walang makabuluhang tulong na ibinigay ng URC sa kanyang pamilya sa dahilan na agency-hired si Corilla at sa gayon ay hindi manggagawa ng kumpanya.

Bago si Corilla, apat na manggagawa ang namatay matapos gumuho ang isang gusali sa Muralla Industrial Park sa Barangay Libtong, Meycauayan, Bulacan noong Mayo 31. Itinuturong dahilan ng pagguho ang overloading ng mga nakaimbak na parsela at pakete.

Sa tala ng International Labor Organization-Philippines, 17 sa bawat 18 manggagawa ay hindi nakatatamasa ng katanggap-tanggap sa kundisyon sa paggawa. Pero noong 2018 lamang isinabatas ang pagpaparusa sa mga paglabag sa pangangalaga sa kaligtasan at kalusugan sa pagawaan matapos ang pagkatamay ng 72 manggagawa ng pagawaan ng Kentex nang makulong sa nasusunog na pabrika. Ayon sa Institute for Occupational Health and Safety Development, sa kabila ng batas, nananatiling nasa 58.36% lamang ang nagpapatupad na pagawaan sa mga istandard sa kaligatasan at kalusugan. Hindi rin umano natutugunan ng gubyerno at mga ahensya nito ang matagal nang problema kaugnay ng inspeksyon sa mga pagawaan para tiyakin ang pagpapatupad ng batas.

Ang taunang pag-iinspeksyon sa higit isang milyong negosyo sa bansa ay binabalikat lamang ng 774 na tauhan. Kakarampot na mas mababa sa 10% lamang ang inabot nitong suriin sa nagdaang tatlong taon.

Nangunguna sa listahan ng mga nalalabag sa pamantayan na nakasaad sa batas ang kawalan ng mga tutugon para sa first aid, mga upisyal sa kaligtasan at inspeksyon sa pagawaan kaugnay ng kahandaan sa anumang sunog simula pa 2019.

Kaugnay ng magkasunod na aksidente sa pagawaan, nagpahayag ang mga organisasyon sa paggawa na “panahon na upang suriin at baguhin ang mga umiiral na batas na dapat sana’y para proteksyunan ang karapatan ng mga manggagawa.” Dahil sa kawalan ng ngipin ng batas, malayang nakapagpapatuloy ng operasyon ang mga kapitalista kahit pa napakaraming kaso ng paglabag sa mga probisyon.

Peligro sa pagawaan, banta sa buhay ng mga manggagawa
n/a