Pamilyang Marcos, ganap nang nakapanumbalik sa poder

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Ganap nang nakapanumbalik sa poder ang mga Marcos nang iproklama si Ferdinand Marcos Jr. bilang ika-17 presidente ng reaksyunaryong gubyerno ng Republika ng Pilipinas noong Mayo 25. Kasabay nito, napalawig din ng mga Duterte ang kanilang paghahari sa pagkapanalo ni Sara Duterte bilang bise presidente.

Animo’y ipinamukha ng mga Marcos sa sambayanan ang kanilang pagbawi ng poder nang umakyat sa entablado sa harap ng pinag-isang sesyon ng Kongreso ang buo nilang pamilya, sa pangunguna ng inang si Imelda, na dapat ay nasa kulungan.

Pumalakpak sa “makasaysayang” eksenang ito ang kalakhan ng mga myembro ng Kongresong pinamumutiktikan ng mga dinastiyang pampulitika. Tanging ang blokeng Makabayan ang nagpahayag ng matinding galit sa pamamagitan ng pagsigaw ng kanilang pagtutol at paglabas sa bulwagan sa panahon ng proklamasyon.

Binweltahan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pagdiriwang ng mga Marcos bilang isang “malaking insulto sa kolektibong alaala ng mamamayang Pilipino” na nag-alsa at nagpalayas sa kanila. Sa labas ng Kongreso, inudyok ng eksena ang galit ng marami at lumaganap ang panawagang ikulong si Imelda na hinatulan ng 77 taong pagkakakulong sa pitong kaso ng katiwalian noon pang Nobyembre 2018.

Gubyerno ng mga tirano at teknokrata

Tulad ng inaasahan, ginantimpalaan ni Marcos Jr. ang kanyang mga tauhan at alyado ng mga pusisyon sa kanyang gabinete. Kabilang dito ang mga angkan na nakinabang sa diktadura ng kanyang ama.

Para tiyaking tuluy-tuloy ang daloy ng disimpormasyon at kontrolin ang kanilang kwento, itinalaga niya bilang Executive Secretary si Victor Rodriquez, ang matagal na niyang chief of staff at tagapagsalita sa panahon ng kampanya. Ginawa naman niyang Press Secretary si Rose Beatrice Cruz-Angeles, isang “vlogger” na nagpapatakbo sa mga troll farm, na ginamit sa kampanya ng pagrebisa sa kasaysayan.

Tatayong kalihim ng Department of Education si Sara Duterte habang ang kanyang tagapagsalitang si Christina Garcia-Frasco ay sa Department of Tourism. Tatayong kalihim ng Department of Social Welfare and Development ang brodkaster na si Erwin Tulfo (kapatid ng nahalal na senador na si Raffy Tulfo at ng dating Tourism Secretary na si Wanda Tulfo-Teo). Hinirang na Special Assistant to the President si dating Davao del Norte Rep. Anton Lagdameo Jr. Si Rodrigo Duterte mismo ay nababalitang itatalaga bilang “drug czar,” na isang kabalintunaan sa lahat ng mga kasong haharapin niya kaugnay sa huwad na gera kontra-droga.

Hindi ginalaw at lalupang sinuhayan ng mga teknokratang tagapagtaguyod ng neoliberalismo ang kanyang “tim sa ekonomya.” Binubuo ito nina Benjamin Diokno bilang kalihim ng Department of Finance, Felipe Medalla bilang gubernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Alfredo Pascual sa Department of Trade and Industry, at si Arsenio Balisacan sa National Economic and Development Authority.

Samantala, itinalaga niyang kalihim ng Department of Justice si Jesus Crispin Remulla, anak ng dating gubernador na si Juanito Remulla Sr. na isa sa pinakamasugid na alipures ni Marcos Sr. Umani ang Remullang ito ng batikos noong panahon ng kampanya matapos i-red-tag niya ang mga dumalo sa rali ng tambalang Leni-Kiko sa Cavite.

Isa ring anak ng dating alipures ang itinalaga ni Marcos Jr. sa Department of Migrant Workers. Hinirang sa pusisyon si Susan Ople, anak ng dating Minister of Labor na si Blas Ople, ang pangunahing propagandista ng “Bagong Lipunan.” Pinuno naman ng Presidential Management Staff si dating Manila Rep. Zenaida Angping, isa pang loyalista.

Samantala, pwersahang binuwag ng mga pulis ang martsa ng mga progresibong grupo mula sa bakuran ng Commission on Human Rights (CHR) tungo sa Kongreso sa araw ng proklamasyon.

Binomba nila ng tubig at binatuta ang mga raliyista na nagresulta sa pagkasugat ng 14 katao. Gabi pa lamang ng Mayo 24, nakaabang na ang mga pulis sa lugar. Umani nang malawakang pagbatikos ang marahas na dispersal.

Pamilyang Marcos, ganap nang nakapanumbalik sa poder
n/a