Lumalangoy sa dagat ng tubo ang mga Villar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa BisayaHiligaynonEnglish

Ibinuhos ng umaabot sa 60,000 kabahayan at negosyo sa Angeles City mula noong Mayo 14 ang kanilang galit sa palpak na serbisyo sa tubig ng PrimeWater Infrastructure Corporation na pagmamay-ari ng bilyunaryong si Manny Villar. Mahigit isang linggong nagdusa ang mga residente ng 22 sa 33 barangay ng naturang syudad sa kawalan ng tubig sa kani-kanilang lugar. Kung dumaloy man, mahina o madumi ang tulo sa mga gripo.

Ang bulok na serbisyong ito ay pag-uulit ng halos araw-araw na kalbaryo ng mga konsyumer mula noong Nobyembre 2020. Noon pa man ay tinukoy na nilang lumala ang kalagayan ng serbisyong tubig mula nang pumasok ang PrimeWater at Angeles City Water District sa joint venture agreement (JVA) na naglipat ng pampublikong serbisyo tungo sa pribadong kontrol.

Ang reklamo sa Angeles City ay siya ring reklamo ng mga konsyumer at empleyado ng maraming iba pang water district na kinontrol ng PrimeWater. Sa Caraga, sinabi ng mga manedyer ng mga water district na lubhang disbentahe at pabigat sa publiko ang mga kontrata dahil ibinigay sa PrimeWater ang operasyon, pagmantine at pagsingil sa serbisyo sa tubig.

Kabilang ang mga kontrata ng PrimeWater sa nagbigay ng milyun-milyong tubo kay Manny Villar, dagdag sa kanyang mga negosyo sa lupain at pabahay. Sa ilalim ng paghahari ni Rodrigo Duterte, taun-taon siyang nagkamal ng tubo at ngayo’y pinakamayamang bilyunaryo sa bansa.

Tumatabo ng milyun-milyong piso sa gubyerno

Taun-taong lumiliit ang kita ng mga water district sa mga bayan at syudad ng Mabalacat, San Fernando, Floridablanca, Guagua at Lubao, pawang nasa Pampanga. Noong 2020, umabot sa abereyds na ₱24.42 milyon ang naitalang pagkalugi ng mga ito. Ito ay mula nang kontrolin ng PrimeWater ang mga pampublikong ahensya sa distribusyon ng tubig noong 2016-2018.

Sa kabilang panig, tumatabo naman ng kita ang PrimeWater na may kontrol sa distribusyon ng tubig. Sa syudad ng San Fernando pa lamang, tumabo ng abereyds na ₱6.8 milyon taun-taon ang kumpanya noong 2017-2020.

Sa karatig na prubinsya, nalugi nang ₱33 milyon ang Tarlac City Water District mula nang pumasok sa JVA noong 2019. Sa Bulacan, lugi rin ang Marilao Water District nang ₱50 milyon sa unang taon pa lamang.

Noong 2021, iniulat ng Commission on Audit ang mga paglabag ng PrimeWater sa mga kontrata sa di bababa sa 38 water district sa buong kapuluan. Kabilang sa mga ito ang paglilihim ng plano sa hatian ng kita at kawalan ng plano sa pagpapaunlad at pagtiyak ng suplay ng tubig.

Hindi rin nagbayad ng buwis sa prangkisa ang PrimeWater, maging ng pinagkasunduang ilalagak na pondo sa water district. Gayundin, hindi naglabas ng puhunan ang kumpanya para paunlarin ang yutilidad, at ipinabalikat ang mga ito sa mga water district.

Samantala, ang karaniwang konsyumer ang pinipiga sa kabila ng kulang, palpak at mahal na serbisyo. Naging karaniwan sa mga prangkisa ng PrimeWater ang pagtaas ng singil kahit walang pampublikong konsultasyon. Umaabot sa 300% ang abereyds na inilaking singil sa mga konsyumer. Naging talamak din ang malawakang pagtanggal sa mga empleyado ng water district upang palitan ng mga tauhan na walang benepisyo. Kaya’t naging banaag ng pag-asa ang matagumpay na paglaban ng unyon ng mga empleyado ng Bacolod City Water District (Baciwa) noong Agosto 2021 laban sa iligal na pagsisante sa 60 myembro nila.

Bumubuhos ng pabor

Kabilang si Manny Villar sa mga pinakapinapaburang oligarko matapos niyang pondohan ang pagkandidato bilang presidente ni Rodrigo Duterte noong 2016. Maliban sa susing mga pusisyon sa gubyerno para sa mga Villar, kabilang ang mga JVA ng PrimeWater sa makakatas na kontratang ipinambayad-utang ni Duterte sa kanyang padrino.

Mula 2016 ay agresibo nang pinasok ng PrimeWater ang mga water district. Mula sa mahigit 70 lamang noong katapusan ng 2019, pagpasok ng 2021 ay kontrolado na ni Villar ang mga yutilidad sa tubig sa may 124 bayan at syudad sa buong bansa, o halos sangkapat ng humigit-kumulang 500 water district sa Pilipinas.

Ngayong lumakas pa ang kapangyarihan sa pulitika ng pamilyang Villar na nagsasapeligro sa natitira pang mga water district, ay iginuguhit din ng mga konsyumer tulad ng sa Angeles City, at mga empleyado tulad ng sa Baciwa ang kanilang pagtatanggol.

Lumalangoy sa dagat ng tubo ang mga Villar
n/a