Daan-daang pamilya sa Maguindanao, Lanao at Ifugao, lumikas dahil sa pambobomba at militarisasyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa BisayaEnglishHiligaynon

Lumikas ang daan-daang pamilya sa mga bayan sa Maguindanao, Lanao del Sur at Ifugao matapos ang serye ng pambobomba at militarisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang mga komunidad noong Mayo 23.

Mahigit 600 pamilya sa bayan ng Datu Salibo, Maguindanao ang napilitang lumikas kasunod ng pambobomba ng AFP sa Barangay Ganta. Pinalabas ng mga sundalo na target ng pambobomba ang isang “grupo ng terorista.”

Ayon sa mga residente ng Datu Salibo, nagulantang sila nang biglang umalingawngaw ang malalakas na mga pagsabog mula sa dalawang FA-50 fighter jet at dalawang MG-520 attack helicopter bandang alas-7 ng umaga. Nagpasabog din ng mga 105 mm Howitzer na nakapwesto sa isang kampo ng militar.

Dismayado ang mga residente dahil naganap ang pambobomba habang ginugunita nila ang anibersaryo ng pagkubkob ng Marawi City noong 2017.

Sa Ifugao, 122 pamilya o higit 500 katao ang lumikas sa Barangay Namal, Asipulo dulot ng malawakang operasyong militar ng 54th IB matapos ang diumano’y engkwentro ng yunit nito sa Bagong Hukbong Bayan.

Pinigilan ng lokal na gubyerno ang mga residente na bumalik sa kanilang komunidad na lubhang nakaaapekto sa kanilang kabuhayan.

Dalawampu’t isang beses na kinanyon ng AFP ang mabundok na bahagi ng Maguing, Lanao del Sur noong Mayo 21 mula alas-2 ng madaling araw hanggang hapon. Muli nilang kinanyon ang naturang lugar noong Mayo 28 ng hapon kung saan pitong bala ng kanyon ang kanilang pinasabog. Lubhang apektado ng mga pambobomba ang kabuhayan ng masang Moro sa lugar.

Samantala, nag-istraping ang AFP gamit ang isang Black Hawk na helikopter sa mabundok na bahagi ng Jabonga, Agusan del Norte noong Mayo 19. Nagdulot ng takot sa mga sibilyang komunidad ang naturang insidente.

Noong Mayo 26, winasak ng mga nag-ooperasyong sundalo ng 62nd IB ang maisan at nagnakaw ng manok ng mga magsasaka sa Barangay Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental. Simula pa Mayo 12 ay militarisado na ang naturang bayan at kalapit nitong mga bayan ng Isabela at La Castellana sa Negros Occidental at Guihulngan City, Vallehermoso at Canlaon City sa Negros Oriental.

Pag-aresto. Dinakip ng mga pulis sina Percival Dellomas at Darwin Guelas, mga lider magsasaka sa Sorsogon, sa isang tsekpoynt sa mga prubinsya ng Sorsogon at Albay noong Mayo 28.

Si Dellomas ay lider ng Samahang Magbubukid sa Sorsogon habang si Guelas ay bahagi ng rehiyunal na konseho ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas–Bikol. Kinasuhan si Dellomas ng paglabag sa Anti-Terrorism Act habang si Guelas ay sinampahan ng gawa-gawang kasong pagpaslang.

Noong Hunyo 2, dinakip sa Barangay Pinontingan, Gubat, Sorsogon at sinampahan ng gawa-gawang kaso na pagpaslang si Jhen Estiller, myembro ng Amihan-Bicol.

Daan-daang pamilya sa Maguindanao, Lanao at Ifugao, lumikas dahil sa pambobomba at militarisasyon
n/a