Palayain si De Lima at lahat ng bilanggong pulitikal

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Nanawagan ang mga grupong nagtatanggol sa karapatang-tao para sa kagyat na pagpapalaya kay Sen. Leila de Lima makaraang bawiin ng dalawang susing saksi na sina Roland “Kerwin” Espinosa at Rafael Ragos ang kanilang mga testimonyang nagdadawit sa senador sa iligal na droga. Nananawagan din silang palayain ang katulad niyang di makatarungang nakabilanggo dulot ng gawa-gawang mga kasong kriminal.

Sa kanyang sinumpaang salaysay na ipinamahagi sa midya noong Abril 28, sinabi ni Espinosa na ang kanyang mga paratang kontra kay De Lima sa dalawang pagdinig sa Senado noong 2016 ay pawang walang katotohanan. Resulta ito ng panggigipit, intimidasyon at seryosong mga pagbabanta sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya.

Noon namang Mayo 2, sinabi ni Rafael Ragos, dating officer-in-charge ng Bureau of Corrections, na walang katotohanan na si de Lima ay sangkot sa pagbebenta ng droga sa New Bilibid Prison. Sa harap ng midya, sinabi ni Ragos na pinwersa siya ng noo’y Justice Secretary Vitaliano Aguirre II upang tumestigo laban kay De Lima. Aniya, ininteroga, pinwersa at pinagbantaan siya ni Aguirre para aminin ang mga bagay na hindi naman nangyari.

Ayon sa mga kritiko ng gera kontra-droga, pinatutunayan lamang ng huling mga pangyayari na ang kaso laban kay De Lima ay paghihiganti sa pulitika dahil sa pagiging kritikal niya sa brutal na kampanya kontra-droga ng rehimeng Duterte. Panawagan nila, dapat papanagutin ang mga taong responsable sa kanyang di makatarungang detensyon at mga paglabag sa kanyang karapatang-tao.

Samantala, inamin ni Rodrigo Duterte na “isang kahambugan lamang” ang kanyang pangako na lulutasin niya ang problema sa iligal na droga sa loob ng anim na buwan ng kanyang panunungkulan.

Palayain si De Lima at lahat ng bilanggong pulitikal
n/a