Pambansang sahod na ₱750, iginiit

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Muling iginiit ng mga manggagawa ang pag-iinstitusyunalisa sa pambansang minimum na sahod na ₱750 kada araw sa harap ng nagtaasang presyo ng batayang bilihin at singil sa serbisyo.

Ayon sa Ibon Foundation, lalupang lumayo sa kasalukuyang minimum ang nakabubuhay na sahod. Sa kwenta ng grupo, kailangan ng isang pamilyang may limang myembro nang ₱1,072 kada araw o ₱25,252 kada buwan para mabuhay ng disente sa Metro Manila. Ito ay sa kalagayang inilagay ng estado sa “mababang” 3% ang tantos ng implasyon noong Pebrero. Hindi nito saklaw ang pagsirit ng mga presyo ngayong Marso.

Taliwas sa pagdadahilan ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimeng Duterte, hindi totoong tumataas ang mga presyo dahil itinataas ang sahod. Pinakamabagal ang pagtaas ng mga sahod sa ilalim ng rehimeng Duterte at pinakamababa ang halaga nito sa nakaraang 35 taon.

Noong Mayo 11, muling inihapag ng Unity for Wage Increase Now! ang petisyon ng mga manggawa para sa dagdag na sahod sa upisina ng Department of Labor and Employment. Ito ay matapos ang isang konsultasyon na dinaluhan ng mahigit 100 manggagawa sa National Cathedral ng Iglesia Filipina Independiente sa lunsod ng Maynila.

Noong Marso 17, nagpiket ang mga manggagawa sa harap ng Kongreso habang dinidinig ang panukala para sa pambansang minimum na sahod.

Araw ng Kababaihan

Naging okasyon rin ang ika-105 Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong Marso 8 para ilabas ng kababaihan ang kanilang pagkamuhi sa rehimeng Duterte sa gitna ng nagtataasang presyo. Pinangunahan ng mga myembro ng Gabriela ang mga pagtitipon ng kababaihan sa Metro Manila, Baguio City, Cavite, Naga City at Davao City para gunitain ang okasyon.

Inihalintulad ni Joms Salvador ng Gabriela ang kainutilan ni Rodrigo Duterte sa pagtigil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo sa “pambubugbog ng asawa na hindi nagsasawang mang-abuso hangga’t hindi namamatay ang babae.” Mula sa Mendiola, dinala nila ang protesta sa Liwasang Bonifacio, pareho sa lunsod ng Maynila.

Pambansang sahod na ₱750, iginiit
n/a