Pulis, tinambangan ng BHB-Negros

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Tinambangan ng BHB-South Central Negros ang mga pulis na bumabaybay sa haywey sa Sityo Candida 2, Barangay Bi-ao, Binalbagan, Negros Occidental noong Pebrero 13. Dalawang pulis ang nasugatan sa opensiba. Kaugnay nito, pinasinungalingan ng BHB ang disimpormasyon ng mga pulis na tinamaan ng Pulang hukbo ang isang 15-anyos na sibilyan. Ayon sa yunit ng hukbo na nagsagawa ng operasyon, ang tumatalilis na pulis ang walang pakundangang nagpaputok sa inatrasan nilang komunidad at nakabaril sa bata.

Sa Negros Oriental, isa ang nasugatan sa operasyong isnayp ng hukbong bayan sa detatsment ng 62nd IB sa Barangay Guba, Vallehermoso noong Pebrero 10. Sa Bukidnon, dalawang operatiba ng 8th IB ang napaslang sa operasyong haras ng BHB noong Pebrero 11 sa Sityo Bendum, Barangay Busdi, Malaybalay City. Sa Agusan del Norte, pinaputukan ng BHB ang detatsment ng 65th IB sa Barangay Tagbungabong, Remedios T. Romualdez noong Pebrero 6. Isa ang nasugatan sa armadong aksyon.

Samantala, nasamsam ng BHB-Central Negros ang apat na pistola at isang shotgun sa reyd sa bahay ng mga aset paniktik ng 62nd IB sa Barangay Malansa, Vallehermoso, Negros Oriental noong Pebrero 16. Napaslang ang tatlong aset ng militar matapos makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng BHB.

Pulis, tinambangan ng BHB-Negros
n/a