Imperyalistang pang-aapi sa mga magsisibuyas

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Kilala ang bayan ng Bongabon sa Nueva Ecija bilang Onion Capital of the Philippines dahil dito nagmumula ang pinakamalaking porsyento ng produktong sibuyas sa buong bansa. Tinatawag din itong Onion Basket of Asia. Subalit ang kinikilalang pinakamahuhusay at matitiyagang magsisibuyas ay laging umuuwing luhaan dahil ang kanilang pinagpaguran ay pinakikinabangan lamang ng imperyalistang mga bansa at kasabwat nitong lokal na naghaharing uri.

Imperyalistang agribisnes sa produksyon ng sibuyas

Itinuturing na isa sa pinakamaselan, pinakamatrabaho, at pinakamagastos ang pagtatanim ng sibuyas kumpara sa iba’t ibang mga produktong pang-agrikultura. Ayon sa pag-aaral ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid sa prubinsya, umaabot na sa ₱150,000-₱200,000 ang gastos sa produksyon ng sibuyas sa bawat ektarya kada siklo ng sakahan. Nasa 41% nito ay napupunta para sa pagbili ng binhi, pataba at mga gamot. Sangkapat naman ng gastos ay napupunta sa pagbili ng pataba.

Mula noong rehimeng Marcos hanggang sa kasalukuyan, patakaran na ng reaksyunaryong gubyerno ang paggamit ng mga pananim na tinatawag na high yielding variety at genetically modified organism na sadyang sinaliksik at nilikhang matakaw sa pataba, gamot, at iba pang teknolohiya na kontrolado ng imperyalistang mga bansa.

Dahil walang lokal na produksyon ng binhi, abono, pestisidyo sa Pilipinas, lahat ng mga kagamitan sa pagtatanim ng sibuyas ay iniimport pa ng mga negosyante, at ibinebenta sa mga magsasaka sa napakataas na presyo. Sa Nueva Ecija, pinakalaganap ang klase ng binhi na gawa ng kumpanyang US na EastWest.

Idinadaing ng mga magsasaka ang walang humpay na pagtataas ng presyo ng mga gamit sa pagsasaka, tulad ng pagsirit ng presyo kada sako (50 kilo) ng abonong urea mula ₱1,800 noong Oktubre 2021 tungong ₱2,600 noong Disyembre 2021.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo, kapansin-pansin naman ang pagbaba ng kalidad at kantidad ng mga kagamitan sa pagsasaka. Halimbawa, ang dating 500 gramo kada lata ng binhi ay 400 gramo na lamang. Hindi na rin kagaya ng dati na kayang umani nang hanggang 200 burike (sakong pula ng sibuyas) sa bawat kilo ng binhi, pailan-ilan na lamang ngayon ang umaani ng higit sa 100 burike. Nagsulputan din ang mga klase ng sakit ng sibuyas tulad ng mapaminsalang harabas (army worm), isang klase ng uod na kayang wasakin ang ekta-ektaryang taniman ng sibuyas sa loob lamang ng isang gabi. Sinasadyang pahinain ng mga multinasyunal na kumpanya ang kalidad ng binhi para obligahin ang mga magsisibuyas na bumili ng mga gamot kontra sakit at peste.

Importasyon at manipulasyon ng presyo

Karaniwang nasa ₱10-₱25 kada kilo lamang ang pagbili ng sibuyas sa mga magsasaka, laluna sa panahon ng anihan. Ito ay habang abot-langit ang presyo ng sibuyas sa lokal na pamilihan na umaabot sa ₱120-₱250 kada kilo.

Sa pamamagitan ng iskemang stock buying (pakyawang pagbili), nagagawang manipulahin ng lokal na mga komersyante ang presyo ng sibuyas. Ang lokal na sibuyas na binibili sa mababang presyo ay iniimbak sa mga bodegang karaniwan ay pagmamay-ari rin ng mga negosyante. Ito ay para likhain ang artipisyal na kakulangan at bigyang-katwiran ang importasyon ng sibuyas. Ang mga inimport na sibuyas sa murang halaga ay kinakategoryang “reject” o itinatapon na ng ibang bansa. Itinatago rin ang mga ito sa mga imbakan, at ibinebenta lamang sa panahon ng anihan upang mapababa ang presyo ng lokal na sibuyas. Kapag mababa na ang presyo ng lokal na sibuyas dahil sa pagbaha ng imported na sibuyas, muling sasamantalahin ng mga komersyante ang pagkakataon para bilhin sa napakababang presyo ang lokal na sibuyas, na itinatago rin sa mga imbakan at muling inilalabas para ibenta sa panahon na kaunti na ang suplay at mataas na ang presyo.

Ang importasyon ng sibuyas ang pinakamatinding nagwasak sa kabuhayan ng mga magsisibuyas. Sa mga produktong pang-agrikultura na inangkat ng bansa noong 2020, pinakamalaki ang bolyum ng sibuyas (40,585 metriko tonelada na nagkakahalaga ng ₱2.03 bilyon). Dahil dito, umabot na sa 39% ng kabuuang suplay ng sibuyas sa bansa ay imported. Hindi pa kasama rito ang mga sibuyas na iligal na ipinasok sa bansa.

Noong 2020, bumagsak sa ₱8 kada kilo ng sibuyas ang presyo ng bentahan ng mga magsasaka dahil sa pagbaha ng imported na sibuyas, pangunahin mula sa China, na pinahintulutan mismo ng Department of Agriculture. Pagkalugi at pagkalubog sa utang ang dulot nito sa mga magsisibuyas. Plano ng rehimeng Duterte na itodo pa ang importasyon ng sibuyas, sa pamamagitan ng pagbabaklas sa 75% taripa sa pag-iimport ng 1,718 klase ng sibuyas. Alinsunod ito sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), isang kasunduan ng mga bansa sa Asia na nagtutulak ng liberalisasyon sa sektor ng agrikultura.


(Ang artikulong ito ay halaw sa Pulang Silangan, rebolusyonaryong pahayagan ng Silangan Gitnang Luzon.)

Imperyalistang pang-aapi sa mga magsisibuyas
n/a