Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Protesta laban sa Kaliwa Dam. Nagrali noong Enero 31 sa harap ng upisina ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa Quezon City ang mga katutubo at grupong makakalikasan na sasagasaan ng proyektong Kaliwa Dam. Kinundena nila ang pagratsada sa proyekto sa kabila ng malawakang pagtutol ng mga residente rito. Binatikos nila ang huwad na konsultasyon noong Enero 25 kung saan nagmaniobra ang rehimen para pwersahin ang mga lider katutubo na pumirma sa isang memorandum of agreement.

2-araw na welga ng mga manininda. Nagsagawa ng 2-araw na welga noong Enero 24 at 25 ang mga manininda sa Carbon Market sa Cebu City para ipanawagan sa lokal na gubyerno na itigil ang pribatisasyon ng palengke.

Paggunita sa ika-35 anibersaryo ng masaker sa Mendiola. Ginunita sa mga pagkilos sa Cavite, Iloilo City at Bacolod City ang ika-35 anibersaryo ng masaker ng mga pwersa ng estado sa mga nagraraling magsasaka sa Mendiola sa Maynila noong Enero 22. Sa Cavite, tumungo ang mga raliyista sa Patungan, Maragondon.

Masaker sa Guinyangan, ginunita. Nagrali sa harap ng upisina ng Commission on Human Rights sa Quezon City ang mga grupo mula sa Southern Tagalog noong Pebrero 2 bilang paggunita sa pandarahas ng mga pwersa ng estado sa rali ng 6,000 magsasaka sa Guinyangan, Quezon noong Pebrero 1, 1981. Dalawa ang napatay at halos 100 ang nasugatan sa insidenteng ito.

Mga protesta
n/a