23 opensiba, inilunsad ng BHB sa loob ng 2 buwan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang serye ng mga armadong aksyon sa Bicol, Samar at Northeastern Mindanao mula Disyembre 2021 hanggang unang linggo ng Pebrero.

Inambus noong Pebrero 1 ng BHB-Catanduanes (Nerissa San Juan Command) ang nag-ooperasyong yunit ng pulis sa Sityo Tucao, Barangay J.M. Alberto, San Miguel. Nasamsam sa operasyon ang tatlong pistola at iba pang kagamitang militar. Napaslang sa operasyon ang tim lider ng mga pulis na si Police Sr. MSgt. Johnny Tiston.

Tatlo ang napaslang at lima ang nasugatan sa inilunsad na ambus ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command) sa mga tropa ng AFP na nag-ooperasyon sa Barangay Recodo, Cawayan noong Enero 28. Noong Enero 23, dalawang sundalo ang nasugatan sa ambus ng BHB-East Camarines Sur (Tomas Pilapil Command) laban sa isang yunit ng 83rd IB sa Barangay Pinamihagan, Lagonoy.

Walo pang opensiba ang inilunsad ng BHB noong Disyembre 2021 sa Pilar sa Sorsogon, Esperanza sa Masbate, at Daraga, Camalig at Legazpi City sa Albay.

Sa Agusan del Norte, isa ang nasugatan sa pang-iisnayp ng BHB sa kampo ng 65th IB sa P-5, Barangay Tagbungabong, Remedios T. Romualdez noong Pebrero 1. Isang sundalo naman ang nasugatan sa ambus ng BHB sa isang yunit ng 29th IB noong Enero 25 sa Sityo Maranahao, Barangay Puting Bato, Cabadbaran City. Noong Enero 15, inambus naman ng BHB-Agusan del Sur ang isang elemento ng CAFGU sa Barangay San Isidro, Sibagat.

Noong Disyembre 2021, limang operasyong haras ang magkasunod na inilunsad ng mga yunit ng BHB-Agusan del Norte laban sa mga pwersa ng AFP na lumusob sa Barangay Puting Bato, Cabadbaran City. Ito ay matapos nagbuhos ng tropa ng 29th IB at 65th IB lulan ng 23 sasakyan, mula Disyembre 12 hanggang Disyembre 23 sa naturang barangay. Isang sundalo ang napatay.

Sa Northern Samar, tatlo ang patay at isa ang sugatan na mga pwersa ng 20th IB at pulis sa opensiba ng BHB-Northern Samar noong Enero 4 sa Barangay San Isidro, Las Navas. Sa Western Samar, dalawa ang patay at isa ang sugatan na elemento ng 46th IB sa opensiba ng BHB noong Enero 12 sa Sityo Guinpondoan, Basey. Nagsagawa rin ng operasyong haras ang BHB sa Barangay Pelaon, Pinabacdao, Western Samar noong Enero 25 kung saan tatlo ang patay sa hanay ng 46th IB at CAFGU.

Samantala, pinarusahan ng hukbong bayan si Police Staff Sergeant Jorel D. Pajac sa Barangay Calingnan, Catubig, Northern Samar noong Enero 10. Si Pajac ay upisyal sa intelidyens ng pulis sa prubinsya na sangkot sa pagtatayo ng lambat paniktik sa mga baryo ng Catubig at Las Navas.

23 opensiba, inilunsad ng BHB sa loob ng 2 buwan
n/a