Hanayan sa pulitika, di pa tapos

,

Natapos na ang paghahain ng mga papeles sa pagkakandidato noong Oktubre 8 pero hindi natapos ang paghahanayan ng mayor na mga partido. Sa huling araw ng paghahain, ginawang katatawanan ng pangkatin ni Rodrigo Duterte ang proseso nang biglang sumulpot si Sen. Ronald de la Rosa bilang kandidato sa pagkapresidente ng PDP-Laban. Mismong si de la Rosa ang nagpahiwatig na ang kanyang pagtakbo ay dahil hindi pa nag-aanunsyo ng kandidatura si Sara Duterte.

Sa huling hanayan, anim na president at limang bise-presidente ang tumatakbo sa ilalim ng mga reaksyunaryo at konserbatibong partidong pampulitika. Ang mga tambalang nabuo ay ang sumusunod: Leni Robredo-Kiko Pangilinan para sa Liberal Party, Isko Moreno-Willie Ong para sa Aksyon Demokratiko, Ping Lacson-Tito Sotto sa Partido Reporma, Bato de la Rosa-Bong Go sa PDP-Laban (paksyong Cusi), at Manny Pacquiao-Lito Atienza sa partidong Promdi. Tumatakbong walang katambal si Ferdinand Marcos, Jr. sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas, isang partidong itinayo ng mga tauhan ni Duterte.

Hindi pa rin tapos ang hanayan sa pagkasenador. Uminit nitong Oktubre ang di pagsali kay Neri Colmenares ng koalisyong Makabayan sa hanay na binuo ng tambalang Robredo-Pangilinan. Sa halip, isinama sa hanay na ito sina Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva at Richard Gordon, mga senador na may mahabang rekord ng pakikipagtulungan kay Duterte.

Samantala, isinama ng tambalang Pacquiao-Atienza pareho si Colmenares at Elmer Labog, lider ng Kilusang Mayo Uno, sa kanilang hanay ng mga kandidato pagkasenador. Inendorso rin sila ng grupong Lakas ng Masa na naghain din ng pagkandidato bilang presidente at bise presidente.

Hanayan sa pulitika, di pa tapos
n/a