Kalatas July 2021 | Paglabag ng AFP-PNP sa karapatan ng mga Mindoreño, nagpapatuloy

| Kalatas | Publications
July 31, 2021
Share and help us bring this article to more readers.

Humahaba ang listahan ng mga krimen ng rehimeng Duterte laban sa mamamayang Mindoreño sa huling siklo ng focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO) ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA.

Sa Barangay Monte Claro, San Jose, Occidental Mindoro, pinaputukan ng 4th IB ang tatlong residente na nagtatrabaho sa kanilang palayan noong Hulyo 19. Pinaputukan ang mga biktima habang tumatakbo sila palayo dahil sa sobrang takot sa mga sundalo.

Iligal na pang-aaresto, interogasyon at iba pang atrosidad naman ang dinanas ng mamamayan ng Sablayan, Occidental Mindoro sa kamay ng mga elemento ng 76th IB pagpasok ng Hulyo. Sinunog din ng mga sundalo’t pulis ang mga bahay sa Sityo Buscad, Barangay Tuban.

Tumindi ang panghaharas sa mga residente matapos magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga militar at isang yunit ng BHB sa nasabing sityo noong Hulyo 5. Apat na magsasaka na taga-Brgy. Tuban ang dinakip. Sinampahan ng gawa-gawang kaso sina Miguel Domingo Manguera, Fe Serna Marinas, Sherlito Casidsid at Allen Delafuente sa Regional Trial Court sa San Jose, Occidental Mindoro dahil diumano sa paglabag sa Anti-Terror Law.

Tinambangan at pinatay ng mga di nakaunipormeng elemeto ng 203rd Brigade ang lider katutubo na si Baduy dela Cruz sa Sityo Cawit, Brgy. Gapasan, Magsaysay, Occidental Mindoro noong Hulyo 29. Hinarang ng mga pinaghihinalaang sundalo ang motor ng biktima at kanyang kasama. Matapos kumpirmahin ng mga lalaki ang pagkatao ng biktima, pinatakbo ang kanyang kasama at tsaka sya pinagbabaril. Tinadtad ng bala ang kanyanag katawan gamit ang armalayt.

Samantala, binugbog naman ang isang Mangyan sa Sityo Lawaan, Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro sa kasagsagan ng FMO ng 4th IB noong Hunyo 25. Sinikmuraan ang biktima dahil hindi niya masagot ang tanong ng mga sundalo na “Nasaan ang mga NPA?” Papunta siya sa kaingin nang harangin ng mga pasista.

Samantala, iligal na kinakampuhan ng mga yunit sa RCSP ng 203rd Brigade ang mga pampublikong eskwelahan sa mga barangay ng Conrazon, Malu at Rosacara sa Bansud, Oriental Mindoro. Laking-platun na tropa ng mga pasista ang humihimpil dito mula Pebrero 2021 hanggang kasalukuyan.###

PRWC News Story: Kalatas July 2021 | Paglabag ng AFP-PNP sa karapatan ng mga Mindoreño, nagpapatuloy