Ang Bayan
April 21, 2021

Bonus at dagdag-sweldo para sa mga bilyunaryo

Share and help us bring this article to more readers.

Sa gitna ng malawakang disempleyo at pagbagsak ng kita at negosyo, milyun-milyong piso ang iginawad ng matataas na upisyal ng pribadong mga kumpanya sa kanilang mga sarili sa anyo ng mga bonus at dagdag na sweldo noong 2020.

Kabilang sa kanila ang anim ng matataas na upisyal ng GMA 7 na kinabibilangan nina Felipe Gozon at Gilberto Duavit na tumanggap ng kabuuang ₱259 milyong bonus noong 2020, 43% na mas mataas kumpara sa natanggap nila noong 2019. Dagdag dito ang 37% na itinaas ng kanilang mga sahod.

Gayundin, tumaas nang 12% ang sahod ni Manuel Pangilinan at apat pang upisyal ng PLDT, kung saan nakapailalim ang Smart Telecommunications. Isang milyong piso naman ang idinagdag sa dati nang mataas na bonus ng mga upisyal nito.

Sa kabilang banda, tumaas nang 6.4% ang sahod at bonus nina Ernest Cu at apat pang upisyal ng Globe Telecommunications tungong tungong ₱295 milyon noong 2020 mula ₱277 milyon noong 2019.

Samantala, 17 bilyunaryong Pilipino ang nasa listahan ng Forbes ng pinakamayayamang indibidwal sa buong mundo. Sa kanila, si Manuel Villar (ika-352 sa buong mundo) ang may pinakamalaking deklaradong yaman, kasunod si Enrique Razon, Lucio Tan, Andrew Tan, magkakapatid na Sy, Ramon Ang, Lance Gokongwei, Roberto Ongpin, Ricardo Po at Edgar Sia. Sa buong mundo, ang may-ari ng Amazon na si Jeff Bezos pa rin ang numero uno.

AB (2021-04-21): Bonus at dagdag-sweldo para sa mga bilyunaryo