#KwentongKasama: Ka Agnes, Ang pagkamulat ng isang deboto

| Cultural
March 20, 2021
Share and help us bring this article to more readers.

Ang #KwentongKasama ay serye ng mga kwento ng mga Pulang mandirigma sa rehiyong Bicol. Inilathala ito ng rebolusyonaryong kilusan ng Bicol sa pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.

Akala ko maidadaan sa dasal ang lahat. Na lahat ay sang-ayon sa disenyo ng Diyos, at hindi naman Niya tayo bibigyan ng hamong hindi natin kayang malampasan. Lubos akong nagtiwala sa Kanyang kapangyarihan.

Debotong Katoliko ang aming pamilya. Si Papa ay isang lider sa aming parokya. Lahat ng kapatid ko ay kumakanta sa choir ng simbahan o di kaya’y sakristan ng simbahan. Ang mga Sabado namin ay nakareserba para sa Bible study. Kung hindi, para sa pagpapahinga o anumang aktibidad na ihinanda ng simbahan sa aming komunidad. Bawat taon, kumpleto namin ang visita iglesia, simbang gabi at iba pang ritwal sa pananampalataya. Tuwing mayroon akong problema, lumalapit ako sa mga madreng ka-close ko upang humingi ng payo. Pagpapanatag nila sa akin, ‘Huwag kang mag-alala, mayroong magandang plano ang Diyos para sa atin.’ Nang lumaki na ako, naging bahagi ako ng isang grupong inatasan ng aming parokyang lumibot hanggang sa mga karatig-baryo upang ilapit ang salita ng Diyos sa mga tao.

Tumanda akong tapat na Katoliko – mahigpit ang pananampalataya, tumalima sa sampung utos ng Diyos at tunay na nagmalasakit at nagmahal sa kapwa. Hindi ko matiis na hindi magbigay ng limos o anumang kaunting pagkain sa mga kabataang pulubi sa harap ng aming simbahan. Masaya akong nakikitang ngumiti ang iba. Masaya akong napapanatag sila ng pananampalataya at pagmamahal ng Diyos, kahit hindi nila ito aktwal na nakikita o nararamdaman.
Kung hindi ako namulat sa kilusan, siguro’y dalawang dekada na akong madre ngayon.

Unang lumawak ang pag-intindi ko pagtuntong ng kolehiyo. Pinili ko ang kursong social work dahil doon sumang-ayon ang interes ko – lumibot sa mga komunidad, makihalubilo sa iba’t ibang klase ng tao at tulungan silang magresolba ng kanilang mga problema.

Madalas kaming mag-field work at dinadala kami ng aming propesor sa iba’t ibang komunidad ng mga magsasaka at maralitang lungsod. Pagdating doon, hahati-hatiin ang aming klase sa iba’t ibang grupo upang lumubog sa isang pamilya. Makikipamuhay kami sa kanila nang ilang panahon, tatanungin ng kanilang kalagayan at kung anupamang pagsasaliksik na kailangan ayon sa aming asignatura.

Mayroong walong anak ang isang pamilyang nalubugan ng aming grupo. Ang kanilang padre de pamilya ay construction worker, at ang kanilang ina naman ay tumutulong sa isang tindahan. Nakatayo ang kanilang bahay sa isang madilim na sulok ng kanilang komunidad. Maliit at binuo lamang ng mga sira-sira at nangangalawang nang yero. Araw-araw, pinagsasaluhan nila ang katiting na nabibili ng kaunting kita ng kanilang ama at ina.

Bilang bahagi ng aming proyekto, ikinapanayam ko ang kanilang tatay. Tinanong ko siya kung ano nakakakuha sila ng tulong mula sa gubyerno. Wala raw. Tinanong ko siya kung mayroon lamang silang SSS sa trabaho. Wala rin daw. Tinanong ko siya kung ano ang ginagawa niya para makaagapay sa mga gastusin. Kaya nga daw sila lubog na sa utang. Tinanong ko siya kung ano ang tingin nilang makakatulong sa kanila.

“Iha, ginawa na namin lahat. Lumapit kami sa DSWD. Lumapit kami sa munisipyo. Lumapit kami sa mga kongresista. Lumapit kami sa mga amo namin sa trabaho. Taun-taon, sumasama kami sa Penafrancia sa pag-asang biyayaan kami ng langit para masagot ang aming mga kahilingan. Magtiwala ka sa akin, hinahanap ko rin ang sagot sa tanong mo,” sagot niya. Kumirot ang puso ko. Ano ang isasagot ko? Na magtiwala sa Diyos? Na maghintay na iligtas ng Panginoon?

Hindi si tatay ang huli kong nakausap na umasa sa kapangyarihan ng Diyos. Nalito ako. Nayanig ang aking mundo at ang pananampalatayang humubog sa kung sino ako ngayon. Nahiya akong lumapit kina Papa at baka sabihin niya, pinagdududahan ko na ang Diyos.

Linapitan ko ang aming propesor. Matiyaga niyang pinaliwanag sa akin kung bakit napakaraming naghihirap sa ating lipunan. Pinaliwanag niyang ang sentral na diskurso ay hindi kung sino ang naniniwala sa Diyos at hindi, kung hindi kung sino ang nagsasamantala at pinagsasamantalahan. Simula noon, linggo-linggo kaming nagkakausap ng aking propesor para mapalawig ang usapin ng relihyon at lipunan.

Hindi nagtagal, marami na rin akong ibang nakilalang rebolusyonaryong nag-oorganisa sa aming eskwelahan. Binigyan nila ako ng mga pag-aaral. Matiyaga nila akong pinaliwanagan. Pinanatag nila ang aking loob na ang pagkakaroon ng mahigpit na pananampalataya ay hindi naman taliwas sa paghahangad ng kalayaan at katarungan. Pinalalim nila ang kahalagahan ng armadong pakikibaka, at kalaunan, isinama ako sa isang exposure trip upang makilala ang Pulang hukbo. Doon, nakilala ko ang mga kasamang iba-iba ang pinanggalingan – mga dating relihyosa tulad ko, isang magiging diyakonesa bago sumampa, isang dating pari, mga kabataang tumalikod sa kanilang mga pangarap para magsilbi sa bayan at maraming iba pa.

Nagalit sa akin ang magulang ko nang magpahayag ako sa kanilang napagdesisyunan ko nang magpultaym. ‘Kidlatan ka sa pinagsasabi mo,’ sambit ni Papa. Pero buo na ang desisyon ko. At tiwala akong, sa tamang panahon, maiintindihan din nila ako.

Nagha-house-to-house pa rin naman ako ngayon. Pero hindi na salita ng Diyos ang ipinalalaganap ko kung hindi mga aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Nagbibigay pa rin ako ng payo sa mga naiikutan namin, pero hindi na para hikayatin silang magdasal lamang at pagpapasa-Diyos ng kanilang problema kung hindi para harapin at ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Marami akong nakakasalamuhang debotong tulad ko sa mga baryo. At ikinagagalak kong nagiging bahagi ako ng kanilang paglalakbay upang maintindihang sila ang may hawak ng kapangyarihang makakapagpabago sa kanilang kalagayan.

Hindi naman pala dapat ipinagbabangga ang pagiging Katoliko at ang pagiging rebolusyonaryo. Tinuruan ako ng pagiging Katolikong magmalasakit sa kapwa. At ipinakita sa akin ng pagiging rebolusyonaryo kung paano sila tunay na matutulungan. Sa kumbento man ako mapunta o sa hukbo, iisa lang naman ang layunin: ang pagligtas ng mamamayan at pagtiyak ng kanilang kagalingan. Ang pagkakaiba lang ngayon, hindi na ako nakatingala sa kanilang parang anghel na naghihintay sa katuparan ng plano ng Diyos. Kasama na nila ako.

PRWC News Story: #KwentongKasama: Ka Agnes, Ang pagkamulat ng isang deboto