Ang Bayan
November 21, 2020

Unos ng paghihirap dulot ng kapabayaan

Share and help us bring this article to more readers.

Gabi ng Nobyembre 13, mabilis na kumalat ang pagpapasaklolo ng mamamayan mula sa Cagayan Valley habang hinahagupit ang rehiyon ng bagyong Ulysses. Mabilis na tumaas ang tubig sa lugar dulot ng biglaang pagpakawala ng tubig ng Magat Dam. Nang umabot nang 13 metro ang taas ng Cagayan River, sumabay na nagpakawala ng tubig ang mga dam na Ambuklao at Binga.

Sa loob ng 11 oras, lumubog sa baha ang 21 bayan at isang syudad sa Cagayan at 22 bayan at tatlong syudad sa Isabela. Umabot ang pagbaha sa 15 munisipalidad sa Nueva Vizcaya at limang bayan sa Quirino. Marami sa mga nasalanta ang magdamag na naghintay sa bubong ng kanilang mga bahay dahil sa kupad ng tugon sa kanilang saklolo. Ayon sa mga taga-Cagayan, ito na ang pinakamalalang pagbaha sa rehiyon sa nakaraang 45 taon.

Nobyembre 12, lumubog sa tubig baha ang halos 40,000 kabahayan sa Marikina City at dalawang bayan sa Rizal nang buksan naman ang Angat Dam bago at sa kasagsagan ng bagyo. Tumaas din ang baha sa iba pang bahagi ng Metro Manila dulot ng walang tigil na pag-ulan. Maraming gusali, poste at kawad ng kuryente ang natumba dulot ng malakas na hangin. Dahil dito, mahigit tatlong milyong bahay ang nawalan ng kuryente. Ilang milyon naman ang nawalan ng serbisyong tubig sa panahong pinakakailangan. Umabot na sa 76 ang nasawi dala ng pagbaha. Sa inisyal na taya, umabot na sa ₱10 bilyon ang pinsalang dulot ng Ulysses.

Sa katimugang bahagi ng Luzon, hindi pa rin nakababangon ang rehiyon ng Bicol at Southern Tagalog sa pananalasa ng superbagyong Rolly na humambalos noong Nobyembre 1. Hindi pa nakarekober ang 240,000 pamilyang nawalan ng bahay sa baybaying lugar ng Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte at Quezon nang tumama ang bagyong Ulysses noong Nobyembre 11. Nasa ₱17.8 bilyon ang pinsalang dulot ng Rolly sa mga sakahan at imprastruktura dito at sa Calabarzon. Umabot pa rin sa 25 ang namatay sa kasagsagan ng bagyo. Ang superbagyong Rolly ang tinaguriang pinakamalakas sa limang bagyong sunud-sunod na pumasok sa bansa sa loob lamang ng tatlong linggo.

Mahigpit ang panawagan para papanagutin ang mga upisyal at ahensyang namamahala sa pitong dam (Angat, Ipo, La Mesa, Ambuklao, Binga, San Roque at Magat) na walang patumangga at sabay-sabay na nagpakawala ng tubig sa kasagsagan ng bagyo. Walang abiso ang mga namamahala sa lokal na gubyerno kung kailan at gaano kadami ang pakakawalan nitong tubig.

Kasabay nito, muling tumampok ang panawagan na itigil ang pagtatayo ng konstruksyon ng Kaliwa Dam. Sa halip, nananawagan sila na magsagawa ng malawak na reporestasyon sa kabundukan sa Sierra Madre na siyang pinagmumulan ng tubig sa mga dam ng La Mesa at Angat.

Inamin ni Duterte na tulog siya sa kasagsagan ng mga bagyo. Gayunpaman, wala siyang tinanggap na pagkukulang nang sa huli ay nagpakita siya sa publiko. Sa halip, walang batayang inakusahan niya si Vice Pres. Leni Robredo ng pang-aagaw ng eksena, kinutya ang mga relief operation ng kanyang upisina at binantaan laban sa pagtakbo sa pagkapresidente sa 2022. Sa harap ng pagkakandarapa ng maraming tao, nakuha pa niyang magbitaw ng malalaswang biro kasama ang ilang lokal na upisyal.

Pagbubuo ng isa na namang task force ang tugon ni Duterte sa malawakang pinsala na dulot ng bagyo at matinding galit ng mamamayan sa kanyang rehimen. Inianunsyo noong Nobyembre 14 ang pagtatayo ng Build Back Better task force na pamumunuan ng pare-parehong inutil at di kwalipikadong mga heneral at myembro ng kanyang gabinete. Ipinailalim niya ang buong Luzon sa state of calamity para magkaroon ng dahilan para muling magkamal ng pondo ang kanyang upisina at mga hawak nitong ahensya.

Kabaligtaran ni Duterte, mabilis at kagyat na tumugon ang mga demokratikong organisasyon at indibidwal para sumaklolo sa mga nasalanta. Kabilang sa mga sumagip ang Tulong Kabataan Network, Tulong Sulong Cagayan Valley Network, Balsa, Tulong Obrero at mga upisina ng mga progresibong partido sa Kongreso. Mabilis ding tumugon ang mga mapagkawanggawang organisasyon. Naging tulay naman ang upisina ng bise-presidente para ipaabot sa mga taga-responde ang mga sigaw at tawag ng saklolo laluna ng mga residente ng Cagayan. Nakapagtipon din ito ng halos ₱50 milyon para sa relief operation.

AB (2020-11-21): Unos ng paghihirap dulot ng kapabayaan