Ang Bayan
May 21, 2020

Perwisyong 20th IB, pinaputukan ng BHB-Northern Samar

Share and help us bring this article to more readers.

Tatlong ulit na pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) and mga sundalo ng 20th IB na walang katapusang perwisyo ang hatid sa Barangay San Miguel, Las Navas.

Isang sundalo ang napatay sa pag-isnayp ng mga Pulang mandirigma sa kanilang pansamantalang kampo noong Mayo 9. Bilang ganti, pinaputukan ng mga sundalo ang dalawang bahay ng mga magsasaka sa Zone 7 ng nasabing barangay. Dahil dito, lumikas ang mga residente ng nasabing purok. Kinagabihan, muling hinaras ng BHB-Northern Samar ang mga sundalo.

Isang araw bago nito, hinaras ng mga Pulang mandirigma at milisyang bayan ang kampo ng mga sundalo na ilang metro lamang ang layo sa eskwelahan. Dalawang sundalo ang malubhang nasugatan.

Mula pa Marso 9 nagsasagawa ng operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) ang 20th IB sa San Miguel gayundin sa mga kalapit nitong baryo ng Perez, Quirino at San Francisco. Hindi ito umalis kahit noong nagpatupad ng tigil-putukan ang rehimeng Duterte. Tuluy-tuloy rin ang pananakot at sapilitang pagpapasuko ng mga sundalo sa mga residente at upisyal ng barangay. Labas-masok sila sa mga baryo at lumalapit sa mga residente nang walang ginagawang pag-iingat laban sa pagkalat ng Covid-19 gaya ng pagsuot ng face mask o pagmamantine ng distansya. Nangunguna pa sila sa mga pagtitipon gaya ng pagsasabong.

AB (2020-05-21): Perwisyong 20th IB, pinaputukan ng BHB-Northern Samar