Sanhi ng mga pandemya: Kapitalistang pagsasaka, pagwasak sa kagubatan

Ang dumadalas na paglitaw ng mga sakit na sanhi ng coronavirus at iba pang zoonotic na sakit (naipapasa ng hayop tungo sa tao) ay nakaugnay sa kapitalistang pangangamkam ng lupa, sa pagwasak ng mga kagubatan at ng malakihang produksyon ng pagkain ng mga korporasyong agribisnes. Sa ilalim ng kaayusang neoliberal, walang pakundangan ang pagsira ng mga ito sa kapaligaran na nagdudulot ng pinsala sa kalusugan ng mga tao at hayop.

Ayon sa pananaliksik ng mga eksperto sa bayolohiya at kapaligaran, ang mga epidemya at pandemya ay hindi dapat ituring na pana-panahon at hiwalay sa isa’t isa. Batay sa matagal na nilang pagsubaybay, ang kapitalistang produksyon ng pagkain, partikular ng karne, ay nagdudulot ng mga sakit na mabilis na naisasalin at lumalaganap mula sa hayop tungo sa tao. Ang mga pagwasak naman sa kagubatan ay nagreresulta sa pagtakas ng mga pathogen o mga bakterya, virus at organismo na nagdudulot ng sakit at at paglipat ng mga ito mula sa kabangisan patungo sa inaalagaang mga hayop na madaling tablan, at malao’y pagkahawa ng tao.

Kabilang sa mga epidemyang lumitaw sa nagdaang dalawang dekada ang iba’t ibang tipo ng trangkaso na tumatalab sa mga baboy at manok at iba’t ibang ibon. Mayroon ding mga pathogen na nanggagaling sa mga hayop sa kagubatan tulad ng nakamamatay na tipo ng coronavirus na SARS-Cov at MERS-Cov.

Ang mga tipo ng trangkaso na naipapasa ng inaalagaang mga baboy ay nagmula sa mga dambuhalang babuyan o sa tinatawag na mga factory farm o pabrika ng mga hayop. Dito, siksikan ang inaalagaang mga baboy na may mahihinang resistensya dulot ng matagalang paggamit ng mga antibiotic at artipisyal na pinalalaki para tugunan ang mataas na pandaigdigang demand para sa karne. Ang siksikang kundisyon dito ay mainam sa paglitaw, paghalu-halo at mabilis na paglaganap ng mga mikrobyo. Mabilis na kumakalat ang sakit mula sa isang factory farm tungong iba pa dahil sa sistema ng pagbebenta ng buhay na hayop at mabilis na transportasyon ng mga ito sa iba’t ibang lugar.

Isang halimbawa ng pandemyang dulot ng kapitalistang produksyon ang swine flu o (H1N1)pdm09 noong 2009. Nagsimula ito sa isang “mega-pabrika” ng mga baboy ng Smithfield, isang kumpanyang Amerikano, sa Mexico. Bantog ang kumpanya sa paglabag sa mga regulasyon sa kapaligiran at pagpapabaya sa kalusugan ng mga residente sa kalapit nitong mga komunidad. Itinatambak ng kumpanya ang dumi ng mga baboy nito sa malalawak na lupain sa paligid ng babuyan, na nagdulot ng polusyon at naging sanhi ng mabilis na pagkalat ng swine flu sa bayan ng La Guardia kung nasaan ang pabrika. Tinatayang 60% ng populasyon nito ang tinamaan ng sakit. Mula Abril 2009 hanggang Abril 2010, umabot sa 61 milyon ang nahawa, 274,000 ang na-ospital at 12,500 ang namatay sa US dulot ng (H1N1)pdm09. Patuloy na nananalasa ang naturang tipo ng trangkaso sa US hanggang sa kasalukuyan.

Ang ganitong sistema ng maramihang pag-aalaga at mabilisang pagpapalaki ng mga baboy ay dulot ng paghahabol ng mga kapitalistang kumpanya ng pinakamalaking bolyum ng napoprodyus na karne gamit ang pinakamababang gastos sa produksyon. Ang mega-pabrika ng Smithfield sa Mexico, halimbawa, ay nagpoprodyus ng halos kalahating milyong baboy kada taon. Nagsusuplay ang kumpanya ng sangkatlo ng pangangailangang karne sa US. Nagluluwas din ito ng pinrosesong karne sa Europe.

Ang mga paglaganap naman ng coronavirus at iba pang virus na mula sa mga hayop sa kabangisan ay bunga ng walang sagkang pangwawasak sa kagubatan ng malalaking korporasyon para bigyan-daan ang mga operasyon sa pagmimina, troso at komersyal na plantasyon. Nagreresulta ito sa pagkabulabog ng balanse ng ekolohiya, pagliit ng mapagkukunan ng pagkain ng mabangis na mga hayop, paghina ng kanilang mga katawan at resistensya sa dala-dala nilang mga pathogen. Inilalabas ng mga ito ang naturang mga pathogen sa dumi, at naikakalat sa iba pang mga hayop hanggang umabot sa tao. Hinahawan ng naturang mga kumpanya kahit ang liblib na bahagi ng mga gubat kung saan maraming pathogen na “nakakulong” at hindi nakahahawa sa iba’t ibang hayop ay nakakawala at naisasalin sa tao.

Mabilis na naisasalin ang mga pathogen na ito sa pagitan ng mga tao na wala pang mga panlaban (tinatawag na antibodies) sa mga ito.

Isang halimbawa nito ang ilang ulit nang paglaganap ng Ebola virus disease na iniugnay sa malawakang pagkasira ng kagubatan sa Uganda Congo at Guinea sa Africa. Sa Borneo, ang pagkalbo sa mga gubat para bigyan-daan ang mga plantasyon ng oil palm ay nagdulot ng mas mataas na insidente ng dengue at malarya. Noong dekada 1990, panahon ng malawakang paghahawan ng gubat sa Amazon sa Peru, tumaas mula 600 tungong 120,000 ang mga kaso ng malarya sa kalapit nitong mga komunidad. Hinawan ang gubat dito para lagyan ng mga rantso ng baka at kaakibat nitong mga daan. Sa isang masaklaw na pag-aaral noong 2017, napatunayan ang ugnayan ng paghahawan ng gubat sa pagdami ng kaso ng malarya sa 67 bansa.

Sa pangkalahatan, mahigit kalahati ng bagong litaw na nakahahawang sakit ay idinulot ng paghahawan ng mga gubat at malakihang pagsasaka ng korporasyong agribisnes. Nag-uunahan ang mga korporasyong ito sa pang-aagaw ng mga lupa ng mga magsasaka at katutubo sa atrasadong mga bansa para lalupang palawakin ang kani-kanilang produksyon ng pagkain at palakihin ang kanilang kita. Nagreresulta ito sa kapinsalaan hindi lamang ng mamamayan ng naturang mga bansa, kundi sa lahat ng mamamayang apektado sa paglitaw ng samutsaring bagong sakit at epidemya.