Ang Bayan
February 21, 2020

Iskemang pastillas at laganap na kriminalidad sa industriya ng POGO

Share and help us bring this article to more readers.

Nalantad noong nakaraang linggo ang laganap na katiwalian sa Bureau of Immigrations (BI) kaugnay ng pagtanggap ng mga upisyal nito ng suhol kapalit ng iligal na pagpapasok sa mga manggagawang Chinese sa bansa. Tinawag ang modus na ito na “iskemang pastillas” dahil ang suhol na tinatanggap ng mga upisyal ay nakabilot sa papel nang sa gayo’y magmukha itong pastillas (kendi na gawa sa gatas).

Isiniwalat ng upisyal ng BI na si Allison Chiong na patagong tumatanggap ang ahensya ng P10,000 suhol sa kada manggagawang Chinese na pumapasok sa bansa kapalit ng pagbibigay ng ispesyal na serbisyo sa kanila. Kasabwat ng BI sa iskemang ito ang mga Chinese at lokal na tour operator (ahensyang nag-aasikaso ng byahe) na pinaniniwalaang bahagi ng sindikatong nagdidirehe ng modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Manila.

Sa suhol na nasisingil, P2,000 ang naibubulsa ng mga upisyal ng BI habang P8,000 naman ang pinaghahatian ng mga tour operator at sindikato. Paglalahad ni Chiong, bawat upisyal na nakadeploy sa Terminal 1 ng NAIA ay nakakakubra nang hindi bababa sa P20,000 kada linggo, at P8,000 naman para sa mga nasa Terminal 3. Maliban sa pera, dinadalhan din ng mga kliyenteng Chinese ng libreng tanghalian ang mga upisyal.

Nagsimula ang iskemang ito kasabay ng pagdagsa ng mga Chinese sa bansa noong 2017. Mula sa taong ito ay tinatayang may 1.8 milyong Chinese na ang pumasok sa Pilipinas. Kung gayon, posibleng nakapagbulsa na, sa kabuuan, ang mga upisyal ng aabot sa P10 bilyong suhol.

Matatandaan na sa parehong taon din, dakong Pebrero, pinirmahan ni Duterte ang Executive Order (EO) 13 na nag-institusyonalisa sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). Ang mga POGO ay tumutukoy sa mga pasugalang pinatatakbo ng mga dayuhang kapitalista sa Pilipinas na nagbibigay ng ekslusibong mga serbisyo sa dayuhang mga manunugal sa pamamagitan ng internet. Sa pamamagitan ng kautusang ito, naglatag ng mga patakaran at direktang ipinailalim ng rehimen ang pangangasiwa sa industriya ng POGO sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) upang madulas na makapasok sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan.

Minaksimisa, pangunahin ng mga kapitalistang Chinese, ang neoliberal na kautusang ito para makapagtayo ng mga online (de-internet) na pasugalan sa bansa, lalupa’t iligal ang anumang uri ng pagsusugal sa China. Sa panahong iyon ay nagsimulang dumagsa sa bansa ang daan-daan libong Chinese upang magtrabaho kapwa sa mga lisensyadong mga POGO at sa tinaguriang mga “fly-by-night” o yaong mga walang lisensya at iligal ang operasyon. Sa konserbatibong datos ng reaksyunaryong gubyerno, tinatayang 120,000 Chinese na manggagawa ang kasalukuyang nagtatrabaho sa mga pasugalan ng 62 lisensyadong opereytor sa bansa. Tiyak na mas mataas pa ang bilang na ito dahil hindi pa kasama sa taya ang daan-daan libo pang mga Chinese na pinalusot ng BI para iligal na makapagtrabaho sa di-lisensyadong mga pasugalan.

Kriminalidad sa mga POGO

Kasabay ng paglago ng industriya ng POGO ang higit pang paglaganap ng iligal na mga aktibidad ng mga sindikatong Chinese sa bansa. Nalantad nitong nagdaang mga buwan kung paanong ginagamit ng mga sindikatong ito ang mga POGO bilang lungga ng prostitusyon at droga. Imbwelto rin ang mga sindikato sa mga kaso ng money laundering (proseso para palabasing ligal ang perang nakubra mula sa mga iligal na aktibidad), panggagantso, kidnapping at sex trafficking na bumibiktima hindi lamang sa mga parokyano at manggagawang Chinese kundi pati na rin sa mga mamamayang Pilipino. Napatunayan ito sa magkakasunod na reyd ng mismong mga pwersa ng reaksyunaryong estado sa mga POGO mula noong Setyembre 2019, at pagkakaaresto ng 636 na mga Chinese na sangkot sa pagsasagawa ng iba’t ibang iligal na mga aktibidad.

Noong Pebrero 12, humarap sa midya si Lai Yu Cian, 23, Taiwanese na biktima ng human trafficking na sapilitang pinatrabaho sa isang POGO. Aniya, siya ay nirekluta ng isang Chinese para magtrabaho sa isang kumpanya sa advertising. Subalit pagdating niya sa Pilipinas noong Oktubre 2019, kinumpiska ng employer ang kanyang tourist visa (papel para makapasok sa bansa) na may bisa lamang ng 30 araw at sapilitan siyang pinatrabaho sa isang POGO sa Makati. Aniya, pinatatrabaho siya nang hanggang 24 na oras kada araw at paulit-ulit na inabuso nang pisikal at sekswal. Nagpaalam siyang magbibitiw subalit pinagbantaan siyang sasaktan at papatayin, maging ang kanyang mga kapamilya.

Ipinantatakot ng kanyang mga employer na mayroon umano silang “protektor” na may mataas na katungkulan sa reaksyunaryong gubyerno. Siya umano si Michael Yang, kapitalistang Chinese at malapit na kaibigan at tagapayo ni Duterte sa mga usaping China, at pinaniniwalaang kasabwat ni Duterte sa malawakang produksyon at pagbebenta ng shabu sa Mindanao at Luzon. Ayon sa mga ulat, si Yang ang kumokontrol sa kumpanyang Xionwei Technology na nakabase sa Davao at kabilang sa mga POGO na ginawaran ng lisensya ng rehimen. Direktang pinatatakbo ng Xionwei ang mga pasugalan ng pitong subsidyaryo nito (Oroone Inc. sa Cagayan de Oro; Invech Treasure Processing Corp, Van Gogh BPO Inc., First Greater Computer Technologies Inc. at Big Emperor Technology Corp. sa Metro Manila; Invech Treasure Processing Corp. sa Cebu; at Shidaikeji Technology Inc. sa Pampanga). Pinakamalaki sa mga ito ang Shidaikeji na may 22 pasugalan sa Clark, Pampanga na dating pagmamay-ari ng kapitalistang Chinese na si Jack Lam na nasangkot sa pagpapapasok ng 1,316 na iligal na manggagawang Chinese noong Disyembre 2016.

Nalantad din na tumaas ang bilang ng mga kaso ng kidnapping na kinasangkutan ng mga Chinese mula 34 noong 2018 tungong 58 noong 2019. Sa mga biktima noong nakaraang taon, 31 ang may kaugnayan sa mga POGO at pinaniniwalaang dinukot dahil sa patung-patong na utang mula sa mga loan shark o sindikatong usurerong Chinese.

Walang pakinabang

Taliwas sa mga pahayag ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimen, walang direktang pakinabang sa mga mamamayan ang paglago ng industriya ng POGO. Artipisyal lamang nitong pinasikad ang industriya ng real estate sa pamamagitan ng pag-upa ng mga Chinese sa milyun-milyong metro-kwadradong komersyal na espasyo at mga yunit sa mga condominium para sa operasyon ng mga POGO at bilang tirahan. Ang ekonomikong penomenon na ito ay hindi produktibo at walang nai-aambag para paunlarin ang kabuhayan ng mga mamamayan. Ang tanging nakikinabang lang dito ay ang mga opereytor at ang kasapakat nilang mga burgis kumprador sa real estate.

Mahalaga ring ipunto na kalakhan ng mga opereytor ng POGO ay ekslusibong nag-eempleyo lamang ng mga manggagawang Chinese. Sa konserbatibong datos ng reaksyunaryong gubyerno, tinatayang walo sa bawat sampung manggagawa sa mga POGO ay mga dayuhan. Siguradong mas masahol pa ang tumbasan na ito sa di-lisensyadong mga POGO. Kung gayon, hindi totoong nakalilikha ang industriya ng sapat na trabaho para sa mga mamamayan.

Gaya ng iba pang mga korporasyon, obligado ang mga POGO na magbayad ng buwis sa reaksyunaryong gubyerno, gayunman, napatunayang 50 opereytor ang hindi nagbabayad nito. Umabot na sa P50 bilyon ang kabuuang utang na buwis ng mga opereytor na ito. Ang tanging nasingil lamang ng Pagcor mula sa mga ito ay ang P8-bilyong bayad para sa regulasyon. Nasa dalawang porsyento lamang umano ito ng kabuuang kinita ng mga POGO sa bansa na tinatayang aabot na sa daan-daang milyong piso. Ang halagang ito ay dumidiretso sa bulsa ng mga opereytor ng POGO at hindi napakikinabangan ng mga mamamayan. Labas pa sa halagang ito ang buwis na hindi nasisingil sa mga manggagawang Chinese na iligal na nagtatrabaho sa bansa.

AB (2020-02-21): Iskemang pastillas at laganap na kriminalidad sa industriya ng POGO