11 kaswalti, tinamo ng RPA-ABB sa Panay

NAGTAMO ANG BANDIDONG grupo na Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) ng 11 kaswalti sa dalawang magkasunod na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southern Panay sa loob lamang ng tatlong araw ngayong buwan.

Noong Enero 12, inambus ng Mount Napulak Command ang isang iskwad ng RPA-ABB sa Barangay Camia, San Joaquin, Iloilo. Isa ang patay at tatlong iba pa ang sugatan sa panig ng mga bandido. Nakumpiska mula sa kanila ang isang granada, magasin at mga bala.

Tatlong araw pagkatapos nito, tinambangan ng mga Pulang mandirigma ng Napoleon Tumagtang Command ang isang platun ng RPA-ABB sa Barangay Cunsad, Alimodian, Iloilo. Lima ang patay at dalawa ang sugatan sa mga kaaway. Taliwas ito sa pahayag ni Major Cenon Pancito, tagapagsalita ng 3rd ID, na walang kaswalti sa hanay ng mga bandido.

Ang RPA-ABB ay notoryus na kasapakat ng AFP sa pagpapatupad ng kampanyang kontra-insurhensiya ng reaksyunaryong estado sa mga isla ng Panay at Negros mula pa noong dekada 1990s.