Pag-ibayuhin ang demokratikong pakikibaka sa 2020

Walang lubay na pahirap ang idinulot ng rehimen ni Rodrigo Duterte nitong 2019. Sunud-sunod ang hambalos ng mga pahirap at anti-mamamayang patakaran nito sa kabuhayan at kagalingan ng mamamayang Pilipino. Pinasahol nito ang dati nang masisidhing suliranin ng disempleyo at kawalan ng mapagkakakitaan at seguridad sa trabaho, mababang sahod, kawalan ng lupa at dislokasyon, mataas na presyo ng bilihin at serbisyong panlipunan, pagkabulok ng mga pampublikong yutilidad at pagkawasak ng kapaligiran.

Simula pa lamang ng taon, ipinatupad ng rehimen ang dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo. Tumaas nang abereyds na P1/litro ang presyo ng gasolina, diesel at gas. Dahil dito, at sa nauna nang ipinataw na mga buwis, nananatiling mataas ang mga presyo ng pagkain at iba pang batayang bilihin sa buong taon. Walang silbi ang ipinagmayabang ng rehimen na bumagal na ang tantos ng implasyon.

Sa kanayunan, patuloy na sumasadsad ang krisis sa agrikultura at sumasahol ang kabuhayan ng masang magsasaka. Tumama ang tagtuyot na sumira sa mga palayan at maisan. Umabot sa P8 bilyon ang halaga ng mga produktong napinsala na umapekto sa may 250 libong magsasaka sa buong bansa. Labis na pagkalugi ang dinaranas ng mga magsasaka nang bumagsak ang presyo ng palay sa gitna ng taon dulot ng pagsasabatas ng liberalisasyon ng bigas. Walang kaparis din ang pagbagsak ng presyo ng kopra. Lalong kumitid ang dati nang mababang produksyon sa agrikultura dahil sa pagdagsa ng imported na bigas at iba pang mga produkto, at pagliit ng demand sa eksport.

Sa pambansang kabisera, milyun-milyong naninirahan ang pineperwisyo ng lubhang pagkabulok ng mga pampublikong imprastruktura at yutilidad. Pumutok ang krisis sa tubig nang nasagad ang limitado at sira-sirang pasilidad na ilang dekadang pinatatakbo ng mga pribadong kumpanya. Sinundan ito ng paglala ng problema ng transportasyon nang masira ang sistema ng tren sa kalagayang masisikip na ang daan at sobra-sobra na ang mga pribadong sasakyan sa mga lansangan. Pinatampok ng krisis na ito ang matinding pagsisiksikan sa mga syudad na idinulot ng tuluy-tuloy na dislokasyon at kawalan ng hanapbuhay sa kanayunan.

Sa gitna ng lahat nang ito, walang inatupag si Duterte kundi magmaniobra para masolo at mapalawig ang kapangyarihan ng estado at tiyakin ang maksimum na pakinabang ng kanyang pamilya at mga kaalyado. Batbat ng mga anomalya at kaso ng korapsyon ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno na pinamumunuan ng kanyang mga tauhan. Sumingaw ang pangungurakot ng mga upisyal ng militar at pulis, ang kanilang maruruming operasyon sa huwad na “gera kontra-droga” at ang kanilang mga kuneksyon sa malalaking kriminal na sindikato.

Ipinataw ni Duterte ang de facto martial law sa buong bansa noong Disyembre 2018 sa pamamagitan ng Executive Order 70. Itinatag ngayong taon ang masaklaw na makinarya nito sa anyo ng National Task Force na sistematikong nagreorganisa sa istruktura ng pamamahala. Ang buong burukrasya ng reaksyunaryong estado—mula sa Malacañang ay itinuon sa kampanya ng pagsupil at kontrainsurhensya.

Minaniobra ng pangkatin ni Duterte ang eleksyong midterm noong Mayo para lalong lumpuhin ang pulitikal na oposisyon at pagkaitan ng dati nang makipot na espasyo ang mga progresibong partido sa kongreso.

Sa ilalim ng pasismo ni Duterte, unti-unting inaagnas ang mga burges liberal na gayak ng huwad na demokratikong gubyerno. Walang puknat ang atake sa mga karapatan at kalayaan ng mamamayan, sa anyo ng kampanyang Red-tagging, pagmamanman at pag-iligalisa sa mga demokratikong pwersang maka-masa. Umarangkada ang walang pakundangang pamamaslang, partikular sa isla ng Negros, sa prubinsya ng Bukidnon, Sorsogon, Masbate at iba pa. Sunud-sunod at maramihan ang mga pag-aresto, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at matagalang pagkukulong. Hindi bababa sa 600 na ang mga bilanggong pulitikal. Liban sa masang anakpawis, tinarget ni Duterte ang kabataan, propesyunal, kagawad ng midya, mga taong simbahan at mga upisyal ng lokal na pamahalaan na nagpamalas ng paglaban sa kanyang rehimen.

Ipinatupad ni Duterte ang sustenido at pokus na mga operasyong kombat sa mga prubinsya at erya na target na ibenta o igawad sa dayuhang korporasyon at pinaborang mga burgesya kumprador. Pinalaki niya ang reaksyunaryong armadong hukbo at itinayo ang daan-daang detatsment militar para pagkaitan ng potensyal at aktwal na baseng masa ang BHB. Gumamit siya ng modernong mga armas at gamit-militar na nagwaldas ng milyun-milyong pampublikong pondo sa tangkang sindakin ang mamamayan sa kanayunan at mga yunit ng BHB.

Sa gitna ng walang patid na pang-aatake, nanatiling matatag ang mga demokratikong pwersa sa paglaban sa rehimen. Nitong taon, nagkaroon ng mga pagkilos sa loob ng mga eskwelahan, pabrika, sa harap ng mga upisina ng mga ahensya ng estado at sa sentrong lunsod para ipamalas ang kanilang pagtutol sa pasismo, pagtatraydor, pagnanakaw at pagpapahirap ng naghaharing rehimen. Naninindigan ang mga patriyotikong pwersa laban sa dayong pangangamkam sa yaman at rekurso ng bansa sa karagatan at kalupaan. Nilalabanan ang mga mapandambong at mapangwasak na mga proyektong dam, at iba pang imprastrukturang sumisira sa kabuhayan ng masa. Kumilos ang mga magsasaka, manggagawa, kabataan, guro, drayber at iba pang sektor para igiit ang kanilang demokratiko at makatarungang mga kahilingan. Naisampa ang mga kaso sa loob at labas ng bansa para papanagutin si Duterte at kanyang mga kasapakat.

Tuluy-tuloy ang pagpupursige sa kanayunan para igpawan ang matitinding bigwas ng kaaway. Nananatiling nag-aalab ang diwa ng pagtatanggol ng nakamit nang mga tagumpay sa ilang dekada na ring mga pakikibaka para sa lupa, dagdag-sahod, makatwirang presyo sa pagbili ng mga produktong pang-agrikultura at at iba pa.

Sa darating na taon, dapat lalupang magpakatatag para mas epektibo at malawakang labanan ang mga pahirap na pakana ni Duterte. Dapat sentruhan ang pinakasaligang mga usaping pang-ekonomya at pangkabuhayan na nakaapekto sa nakararaming mamamayan. Dapat buklurin ang masa at pakilusin sila upang sama-samang lutasin ang kanilang mga suliranin at labanan ang mga pang-aapi at pagsasamantala. Palawakin ang mga demokratikong organisasyon para maging daluyan ng makatarungang mga kahilingan habang pinalalakas ang paglaban sa tiraniya ng rehimen.